Goodbye 2016, Hello 2017
PRESIDENTIAL election year ang 2016. Kaya napakataas ng energy at excitement level mula noong Enero pa lamang. Nang pumasok ang 2016, nangunguna pa sa Presidential surveys sina Sen. Grace Poe at Vice President Jejomar Binay. Sa Vice Presidential race naman ay si Sen. Chiz Escudero pa noon ang napakalaki ng lamang.
Hindi tumila ang pagputok ng balita kahit nasorpresa na tayo ng pagkapanalo nina Mayor Digong at Cong. Leni. Hindi pa man nag-uumpisa ang kanyang opisyal na termino ay ginulat na tayo ni President Duterte sa kanyang mga anunsiyo, lalo na yung mga may kapilyuhan. Dahil nasanay sa kawalan ng aksyon ng naunang administrasyon, bumenta sa atin ng husto ang napipintong ‘”action packed” na pamumunong pinangako.
Kahit inaasahan na natin ang pagbabago, walang nag-akala na magiging ganito kagrabe (o kalala) ang ihahatid na reporma. Kontrobersiyal ang kanyang pamamalakad, lalo na ang centerpiece drug war ng kanyang programa. Subalit may kakaibang hatak ang kanyang mga hakbang sa mga Pilipinong nangarag sa nakaraang sistema.
Umaani man ng iba’t ibang reaksyon ang kanyang gawain, nagkakaisa ang lahat nang Pilipino na ating nasasaksihan ngayon ang isang liderato na walang humpay ang pagkilos upang mahatid ang pangakong pagbabago para sa lahat. Anim na buwan pa lamang tayo sa ilalim ng Duterte administration subalit kung susukatin kahit kada kagawaran ng pamahalaan ang mga pagbabagong inuumpisahan na, mapapatunayan na ang nararamdaman nating pagyanig ay hindi ilusyon o panaginip.
Mayroon ding aminadong improvement sa ekonomiya ang mga nakaraang administrasyon. Pero halos hindi natin naramdaman ang kanilang mga pagpursigi. Dahil na rin, marahil, sa pag-aalinlangan noon na ibuhos ang lahat sa bawat kailangan. Para bang takot sa kapangyarihan. At napatunayan ito nang madiskubreng halos hindi nila nagastos ang mga budget na nakalaan.
Kung walang tiyaga, walang nilaga. Sunud-sunod ang balita sa ilalim ng Duterte administration dahil hindi ito nag-aalinlangang gamitin ang kapangyarihang ginawad ng taong bayan. Kaya umaapaw sa pag-asa ang lahat ngayong 2017!
- Latest