Sa wakas, Abaya atbp. hinabla sa car plates
SA WAKAS, makalipas ang tatlong taon ng anomalya, hinabla na si ex-transport secretary Joseph Abaya sa vehicle plate scam. Hindi si Ombudsman Conchita Carpio Morales, na in-appoint nu’ng naghahari ang Liberal party ni Abaya, ang nagpapasagot sa kanya sa P3.8 bilyon. Dapat purihin para sa masusing paghahabla sina Carlo Batalla at Diego Magpantay ng Citizens Crime Watch, at Leon Peralta ng Liga ng Eksplosibong Pagbabago.
Sa bidding pa lang nu’ng 2013 ng limang taong pagpapalit ng lahat ng vehicle registration plates ay may anomalya na. Hindi kuwalipikado sumali ang Pilipinong Power Plates Inc dahil blacklisted ito sa pangongontrata sa gobyerno. Nampeke ito ng pirma ng opisyales para gumawa ng MMDA commemorative plates. At kapos sa puhunan ang Dutch partner nitong J. Knieriem Goes BV.
Substandard ang mga unang dineliver na plaka. Sa sobrang nipis ng bakal, nalulukot ito na parang papel sa tubig-baha. At ang dapat na tamper-proof screws ay sobrang liit at luwag para sa sukat ng butas.
Walang Multi-Year Obligational Allotment na P3.8 bilyon mula sa Kongreso ang limang-taong proyekto. Pilit sinimulan ito ni Abaya nu’ng Halalan 2013 -- alam n’yo na kung bakit -- miski P385 milyon pa lang ang laang budget.
Sa patakbuhing pabrika sa abroad ipinagawa ang mga plaka. Dahil kapos sa puhunan ang Power Plates-JKG, wala itong pambayad sa P40-milyong Customs import duty nu’ng 2014. Naipit sa Manila port nang dalawang taon ang 600,000 pares ng plaka sa 11 cargo containers.
Nalugi ang mga car registrants dahil sa sapin-sapin na anomalya sa platemaking. Dapat lang papanagutin sina Abaya at U-Secs Jose Lotilla, Rene Limcaoco, Julianito Bucayan, at Catherine Gonzales.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest