International Airport lalo pang gumugulo
PINUPUTUKAN si Transport Sec. Art Tugade mula sa ere, dagat, lupa, at riles. Pagpasok niya sa kagawaran, nagtalaga siya ng undersecretaries para sa bawat sektor: air, sea, land, at rails. Sa loob ng 100 araw nakatalo nila ang mga stakeholders sa bawat sektor. Nagngangalit ang mga negosyante, suppliers, at pasahero. Natural ang putok ay kay Tugade bilang pinuno. Sabi kasi ni President Duterte na pananagutin niya ang Cabinet members sa mga kalokohan ng tauhan nila.
Sa Manila International Airport nagkakagulo ang general aviation companies. Binubuo ng mga jet charters, maintenance, at biyahero ng isda mula probinsiya, pinalalayas sila ni Tugade hanggang Pebrero. Pinapaniwala kasi siya nina Undersecretary for Air Joseph Lim at MIA general manager Ed Monreal na mababawasan nang 22% ng runway congestion kapag wala roon ang maliliit na jets.
Pero ito ang sisti: Ulat mismo ng Civil Aviation Authority, na nasa ilalim din ni Lim, na 1% lang araw-araw ang jets na lumilipad sa MIA. Higit na marami, 84%, ang commercial airlines, kaya sila ang dapat ibahin ang flight schedules pero hindi palalayasin. At dahil sa maling pagpapalayas ni Tugade sa maliliit na jets, mapipilitan siya ngayon mag-magic ng 22% mas maluwag na runway mula sa 1% inalis na flights.
Pinapasok din ni Tugade ang Marines at Army commandos para i-takeover ang ground security ng MIA. Dagdag sila sa PNP Aviation Security Group, DOTr Office of Transport Security, MIA Police Force, at private security guards ng airlines, duty-free shops, atbp. negosyante. Nag-aalala ang travel at tour industry na magmumukhang war zone ang MIA at matatakot ang mga pasahero kung nakatanod ang mga sundalo na armado ng assault rifles. Pero bale-wala ‘yon kina Lim at Monreal.
Pumalpak ang dalawa nang mabalita kamakailan ang “hijacking” ng isang Saudia jetliner. Miski ba naging false alarm pala ‘yon, hindi nila sinunod ang procedure na agad buoin ang crisis management body.
- Latest