^

PSN Opinyon

‘Dalagitang inuto’

UBOS - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

ANG DALAGITANG gipit pangakuan mo ng langit madaling aamo at kakapit.

“Kinunan lang kami ng salaysay pati yung biktima. Sabi nila sila na ang bahala. Hindi na namin alam kung ano ang nangyari,” wika ni Edwin.

Taga Masbate ang humihingi ng payo sa amin na si Edwin Vargas. Taong 2014 pa raw ang isinampa nilang reklamo ngunit hindi nila alam kung ano na ang itinakbo nito.

Labing limang taon ang biktima na pamangkin ni Edwin. Hinipuan sa dibdib at sa ari. Hinalik-halikan. Ito umano ang ginawa sa dalagita na itatago namin sa pangalang ‘Elsa’ ng foreman ng eskwelahan.

“Singkwenta anyos na yung akusado. Ang bahay ng pa­mang­­kin ko katapat lang ng eskwelahan. Yung eskwelahan may ginagawang mga room dun kaya may foreman,” pahayag ni Edwin.

Bandang alas nuebe ng gabi nang hanapin ng ama si Elsa sa mga kapatid nito. Panganay sa apat na magkakapatid si Elsa. Sumagot ang mga kapatid na hindi nila alam.

Nataon naman na nandun si Edwin kaya sinamahan niya ito sa paghahanap kay Elsa.

Napadpad sila sa ginagawang eskwelahan dahil katapat lang ito ng bahay nila. Pagdating nila sa ginagawang bahagi ng eskwelahan nandun nga si Elsa kasama ang foreman.

“Nakita naming nakaakbay ang foreman sa pamangkin ko. Hinihimas ang dibdib pati ang ari niya,” ayon kay Edwin.

Sinigawan ito ng ama ni Elsa ngunit hindi pa rin natitinag. Papalapit na sila at pumulot ng kahoy si Edwin na ihahampas dapat sa akusado. Nang makitang may dalang pamalo si Edwin saka na ito kumaripas ng takbo. Hindi na nila ito nahabol.

“Nung panahong naghahanap kami mga sarili lang ang bitbit namin. Hindi na namin naisip na baka may baril o kutsilyo yung tao kaya pumulot na ako ng kahoy,” salaysay ni Edwin.

Naiwang nakatayo at umiiyak si Elsa. Pag-uwi ng bahay tinanong na nila ang dalagita kung ano ang nangyari sa kanya maliban sa nakita nilang magbayaw.

Naisipan daw nilang puntahan ang bahaging yun ng eskwelahan dahil minsan nang nakita ni Edwin na akbay-akbay ng foreman ang kanyang pamangkin.

Ipinagtapat daw sa kanila ni Elsa na tatlong beses na itong ginagawa sa kanya ng akusado.

“Ang sabi sa kanya pag-aaralin daw siya sa high school. Binibigyan din ng load ang pamangkin ko kaya napalapit sa kanya,” ayon kay Edwin.

Kinabukasan agad silang nagpunta sa barangay para humingi ng tulong ngunit hindi raw ito umaksyon.

Pinayuhan ni Edwin ang tatay ni Elsa na dumiretso na sila  sa istasyon ng pulis para makapagsampa ng kaukulang kaso.

“Kinunan ng salaysay ang pamangkin ko, yung tatay at ako,” sabi ni Edwin.

Pinayuhan sila ng hepe na magtungo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sila’y magabayan.

Matapos nilang ibigay ang mga hiningi sa kanila at makapagbigay ng salaysay sabi raw sa kanila ng DSWD ay sila na ang bahala dito.

Magsasaka raw ang ama ni Elsa at hindi gaanong marunong sa proseso ng pagsasampa ng kaso kaya nagtiwala sila sa DSWD.

Mula nang magbigay sila ng salaysay ay wala na silang natanggap na balita tungkol sa kaso.

Lumipat na daw ng bayan ang akusado ngunit sa parehong probinsya lang raw. Hindi na nila ito nakita sa kanilang lugar.

Makalipas ang tatlong buwan may natanggap daw na sulat ang kanyang bayaw na ama ni Elsa mula sa Prosecutor’s Office.

“Wala ako dun sa bahay ng bayaw ko kaya hindi ko nakita ang sulat na dumating. Hindi niya raw maintindihan dahil Ingles ang nakasulat,” salaysay ni Edwin.

Nagtungo raw sa istasyon ng pulis ang ama ni Elsa at tinanong kung ano ang ibig sabihin ng sulat na kanyang natanggap.

“Sabi raw sa kanya ayos lang yun. Nakatimbre na daw sa kanila ang akusado at minamanmanan naman nila kung dara­ting dun. Yun lang hindi na din nagtanong ang bayaw ko,” wika ni Edwin.

Una’t huling sulat na natanggap nila ito. Hindi pa raw sila nagkakaroon ng pagdinig kahit isang beses.

Wala na silang balita kung anong hakbang ang kailangan nilang gawin. Wala raw silang alam sa kasuhang tulad ng ganito kaya’t naghihintay lang silang may dumating na sulat sa kanila.

“Sana po ay mapayuhan ninyo kami kung ano ang kailangan naming gawin. Ang alam lang namin ay Rape ang ikinaso. Hindi na namin alam kung ano ang gagawin gayung taong 2014 pa ang kasong ito,” sabi ni Edwin.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang kakulangan ng mga pagkakaintindi ay hindi dahilan. Marami na tayong pwedeng lapitan hindi lamang ang pulis kundi ang Public Attorney’s Office (PAO) para maipaliwanag sa atin kung anong kahulugan ng dokumentong ipinadaala sa ‘yo.

Ito’y nangyari nong 2014 at nagreklamo ang tiyuhin at tatay at nagbigay din ng pahayag ang dalagita sa gabay ng kanyang kamag-anak kaya’t reresolbahin ito ng Prosecutor lalo na kung pinanatag ng DSWD ang kanilang kalooban na sila na ang magtutuloy ng kaso.

Kung tutuusin Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610 (Child Abuse) ito.

Maging mapag-masid, mapagbantay sa mga anak ninyong babae at maging aral din ‘to. Kayong nagsampa ng kaso tutukan niyo ito para mabigyan ng hustisya ang anak niyo.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

MULTO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with