Imbestigahan, PNP housing sa Trece Martires
HINDI dapat palampasin ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa ang pananagasa at pambubugbog ng mga pulis ng Manila Police District- Crowd Dispersal Management sa mga raliyista sa harap ng US Embassy noong Miyerkules. Naging viral ang footages kung saan ilang beses na sinagasaan ng mobile van paatras-abante na minamaneho ni PO3 Franklin Kho ng District Police Safety Batallion ang 20 raliyista. Nasindak ang mga nakakita ng video dahil kitang-kita ang pagkahawi at napailalim pa nga sa van ang ilan sa mga raliyista. Kitang-kita rin ang paghataw ng baston at shield ng mga pulis sa mga jeepney driver ng rallysts. Kitang-kita ang pangingisay ng isang drayber na napuruhan sa walang patumanggang pagpalo ng mga pulis. Nang tantanan ang pagpalo sa drayber pinulot din siya ng ilang pulis at itinakbo sa ospital sa takot na mamatay.
Agad na ni-relieve ni NCRPO chief Gen. Oscar Albayalde ang walong opisyal ng MPD at inilagay ang mga ito sa Regional Police Holding Administrative Unit (RPHAU) matapos mapanood ang video footages. Nanghilakbot din ang heneral sa pagiging “barbaro” ng kanyang mga bataan. Hindi naman ito kagustuhan ni DPSB chief Sr. Supt. Marcelino Pedrozo, Ermita Police Station 5 chief Supt. Albert Barot at anim pang opisyal ng MPD na manakit ang kanilang mga tauhan, subalit kailangan nilang harapin ang hagupit ni Albayalde. Hindi nila nakontrol ang kanilang mga tauhan.
Sa ngayon hindi lamang sa Metro Manila nagsasagawa ng kilos protesta ang mga militante dahil maging sa mga lalawigan ay may pagkilos protesta na rin upang kondenahin ang mala-barbarong dispersal sa US Embassy. Kaya ang kapalaran ng MPD ay nasa kamay na ng PNP chief na nagalit nang mapanood ang video footages habang nasa China. Tiyak na ang unang tatamaan dito ay ang mga PO1, PO2 at PO3 na bumubuo sa 60 CDM na naburyong sa pagsugod ng mga militante.
Mukhang kulang pa sa training ang mga mga galamay ni MPD director Senior Supt. Jigs Coronel sa pagharap sa mga militante. Baka naman pagod na pagod na ang mga tauhan ni Coronel sa walang humpay na pakikipagdigma sa droga kung kaya nang humarap sa mga militante ay nawalan na ito ng pagtitimpi sa sarili at naging mabangis pa sa leon. Saan kaya hahantong ang masalimuot at madugong dispersal sa US Embassy, may mapapatapon o maaalis kaya sa puwesto?
Samantala, naging libangan na ng ilang abusadong pulis na nakatira sa PNP housing sa Trece Martires, Cavite ang pagpapaputok ng baril tuwing malalasing. Ayon sa impormasyong ipinarating sa akin, malalakas ng loob ng mga abusadong pulis dahil hindi sila kayang salingin ng kanilang kabaro sa Trece Martires Police. Ang masakit pa, karamihan pala sa mga pulis na binigyan ng pabahay ay pinaupahan na sa ibang tao at ang ilan naman ay binenta na.
Kaya humihingi ng tulong ang “tipster” ko na paimbestigahan ito kay General Dela Rosa sa madaling panahon upang maging matiwasay ang pamumuhay sa housing. General Dela Rosa, pakihambalos mo ang mga pulis sa Trece Martires kung bakit naging libangan nila ang pagpapaputok ng baril tuwing may inuman. Isabay mo na rin ang pagburiki sa mga nagmamay-ari ng mga housing units. Kilos na General Dela Rosa, Sir!
- Latest