Hanapbuhay, hanap-patay
TEKAS, baka interesado kayo rito. Sa halagang beinte pesos, isang buong litson ang maaring mapanalunan mula sa Shrine of Jesus, The Way, The Truth and The Life, sa MOA Complex, Pasay City sa ika-18 taong anibersaryo nito. Labingwalong litson din ang ipamimigay sa mga raffle winners. Ang perang malilikom ay laan sa mga pasyente ng Pediatric Cancer Patient’s Ward ng Philippine General Hospital at sa mga lolo’t lola sa Haven for the Elderly sa Tanay, Rizal. Idaraos ang raffle sa Oktubre 30, 2016 sa Shrine of Jesus matapos ang concelebrated mass ng alas-10:30 ng umaga.
* * *
NOONG nangangampanya pa si Presidente Duterte, madalas niyang sabihin na sa kanyang administrasyon ay “kikita” ang mga punerarya sa dami ng mga mapapatay sa drug war. Lumobo nga ang bilang ng drug suspects pati users na nagsisitumba. Pero reklamo ng mga may-ari ng punerarya, maraming biktima ang hindi na kini-claim ng mga kaanak. Ipinalilibing na lang nila ang mga ito kaya abonado pa sila.
Hindi masisisi ang mga may-ari ng punerarya kung ibenta sa mga medical schools ang mga bangkay. Ayon kay Senator Gregorio Honasan, sinasabi sa kanya sa isang text message na nagbebenta na ng mga patay ang ilang punerarya. Inihayag ito ng Senador sa pagdinig ng Senate committee on justice and human rights tungkol sa extrajudicial killings.
Natanggap ni Honasan ang text message matapos usisain kung ano ang nangyayari sa mga bangkay sa extrajudicial killings na hindi na kinukuha. Posible aniyang malugi ang mga punerarya sa dami ng mga bangkay na dumarating sa kanila. Iyan ay kung hindi gagawa ng paraan ang mga negosyante para mabawi ang kanilang iniaabono sa embalsamo at pagtatago sa mga patay na dumadagsa sa kanila.
Ngunit anang text message kay Honasan, hindi sila nalulugi at sa katunayan ay nakakapagbigay pa ng komisyon sa pulis kapag may dinadalang bangkay dahil nga sa pagbebenta nila ng mga bangkay. Hindi ko alam kung illegal ito. Ngunit kung labag sa batas, dapat gumawa ng panukalang batas para gawing legal sa kondisyong bibigyan ng taning na panahon ang mga kaanak para makuha ito. Negosyo rin naman ang punerarya at dapat alagaan ang kapakanan ng mga may-ari.
- Latest