Iwas muna
IIWASAN na raw munang pag-usapan ni President Rodrigo Duterte ang isyu ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa China, kung saan nanalo ang bansa, sa darating na pagpupulong ng mga miyembro ng ASEAN sa Laos ngayong buwan. Mas gustong matuloy na muna ang pag-uusap ng dalawang bansa, partikular ang karapatan ng mga mangingisdang Pilipino na pakinabangan ang ating Exclusive Economic Zone. Tiyak mapapag-usapan ang Panatag Shoal, kung saan tinataboy ng mga barkong China ang ating mga mangingisda. Ito ang unang gustong mangyari ng gobyerno, na makabalik ang ating mga mangingisda sa kanilang hanapbuhay na tumigil ng higit apat na taon.
Ang mahirap lang ay kung ibang bansa ang gustong talakayin ang nasabing desisyon ng PCA. Alam natin na malakas ang panawagan ng Amerika sa China na respetuhin ang nasabing desisyon. Magtutungo rin si US Pres. Barack Obama sa Laos, kaya baka nga mabanggit ang desisyon. Bukod sa Amerika, maraming kaalyadong bansa ang Pilipinas na dadalo sa ASEAN summit sa Laos. Kung iwasan man ni Duterte ang usapin hinggil sa desisyon ng PCA, baka hindi maiwasan itong mabanggit ng mga ibang bansa na mainit din sa isyu. Alam na natin ang magiging reaksyon ng China. Sana lang ay hindi mapasama ang planong pag-uusap ng Pilipinas at China. Wala namang bansa sa ASEAN ang may gusto ng gulo, pero nasa China rin iyan kung makikinig rin nang maayos. Ayon sa Vietnam, walang panalo kung magkakagulo sa South China Sea.
Ito na ang huling biyahe ni Obama sa Asya. May election sa Nobyembre para sa susunod na US president. Tila alam na ni Duterte na babanggitin ni Obama ang nagaganap na patayan sa kasalukuyang digmaan ng administrasyon ni Duterte kontra sa iligal na droga, partikular ang isyu ng human rights na laging masalimoot para sa Presidente. Kailangan daw makinig ni Obama sa kanyang paliwanag hinggil sa human rights. Kung ano ang kahihinatnan ng usapang iyan ay inaantabayanan ng lahat. Malakas na kaalyado ng bansa ang US. Kung magkakaroon ng lamat dahil sa isyu ng human rights, baka magbago ang relasyon na iyan. Mabanggit din kaya ang pang-iinsulto ni Duterte kay Ambassador Goldberg?
- Latest