EDITORYAL - Palayain sa corruption, krimen at illegal na droga
IPINAGDIRIWANG ngayon ang ika-118 anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas sa mananakop na Espanyol. Mahabang panahon ang nakalilipas mula nang makalaya sa mga mapang-api at mapang-abusong mga Kastila. Nakalaya ang mga Pilipino at iwinagayway ang unang watawat sa balkonahe ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898. Noon din tinugtog ang Pambansang Awit.
Ngayon, pagkalipas ng 118 taon, ibang klaseng mga mananakop naman ang sumakmal sa mga Pilipino na unti-unting sumisira sa bansa at kinabukasan ng mga Pilipino. Sinisira ng corruption, krimen at illegal na droga ang bansa at mamamayan. Kung hindi malilipol ang mga ito ngayon, kawawa ang bansang ito.
Nararapat nang mapalaya sa corruption. Babala ni president-elect Rodrigo Duterte sa mga corrupt na opisyal ng pamahalaan na magbago na ang mga ito o magsipag-resign bago pa sila ipahiya sa publiko. Tinukoy ni Duterte ang LTO, Customs at BIR na mga corrupt na tanggapan.
Nararapat nang mapalaya sa drug traffickers. Babala ni Duterte at nang bagong uupong hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Chief Supt. Ronald de la Rosa, patayin ang drug traffickers. Magtulung-tulong ang mamamayan para mapatay ang mga salot na nagkakalat ng droga. Nais ni Duterte na maibalik ang death penalty para mabigti ang drug traffickers at kriminal. Magbibigay din ng reward si Duterte sa mga makakapatay ng drug traffickers.
Nagbabala si De la Rosa sa mga pulis na drug traffickers, “Kailangan silang mamatay. Kapag sila’y naaresto at kinasuhan, marami sa kanila ang nakakabalik sa puwesto dahil ginagastusan ng sindikato ang kanilang kaso. Inaapela nila at nananalo at nakakabalik sa puwesto. Dapat sa kanila ay patayin.’’
Palayain sa mga karumal-dumal na krimen. Kaliwa’t kanan ang krimen ngayon. Sumasalakay ang riding-in-tandem at walang takot mangholdap, magnakaw at pumatay. Sabi ni Duterte sa mga kriminal, papatayin niya ang mga ito. Hindi siya nagbibiro.
Palayain ang mga Pilipino sa tatlong ‘‘kakaibang’’ mananakop.
- Latest