EDITORYAL - Batas sa agricultural smuggling, ilarga na!
SA wakas, nilagdaan na rin ni President Noynoy Aquino noong nakaraang linggo ang Anti-Agricultural Smuggling Act. Mabuti naman at nilagdaan ito ni P-Noy bago lisanin ang Malacañang. Sa pagpapatibay ng batas, tiyak na may kahahantungan na ang mga smuggler ng agricultural products na kinabibilangan ng bigas, mais, bawang, sibuyas, carrots at maging ang isda at karne ng baboy at manok. Sa ilalim ng batas, sinumang mahuli na nagpupuslit sa bansa ng mga agri-farm produce ay kakasuhan ng economic sabotage na may mabigat na kaparusahan.
Pinakatalamak ang smuggling ng bigas sa bansa at ito ang lubusang pumapatay sa mga local na magsasaka. Dahil sa pagbaha ng smuggled agri products, wala nang kinikita ang mga kawawang magsasaka. Mas binibili ang mga smuggled na bigas at sibuyas sapagkat mas mura ang mga ito kaysa local na produkto. Kaya hindi masulit ng mga magsasaka ang kanilang ginastos sa inani. Hindi naman nilang maaaring ibaba sapagkat matatalo sila sa gastos.
Tinatayang P200 billion ang halaga ng mga agricultural products na naipuslit sa bansa mula 2010, taon na naupo si P-Noy. Maiimadyin ang nawalang kita sa mga local na magsasaka dahil sa pagpasok ng mga smuggled na produkto. Inagawan ng kita ang mga kawawang magsasaka na bago nakapag-ani ay maraming hirap na dinanas.
Ang paglipol sa rice smugglers ang isa sa mga pinangako ni president-elect Rody Duterte noong nangangampanya pa. Ito ang dahilan kaya niya pinili si dating North Cotabato governor Emmanuel Pinol na pamunuan ang Department of Agriculture. Sabi naman ni Pinol sa isang interbyu, isa sa marching order sa kanya ni Duterte ay walisin ang rice smugglers.
Hihintayin ng taumbayan ang katuparan ng pangakong ito nang papasok na bagong administrasyon. Panahon na para matigil at maparusahan ang mga “salot” na smuggler ng agricultural products.
- Latest