EDITORYAL - Hayagang paggamit ng ilegal na droga
PAGGAMIT ng illegal na droga ang tinuturong dahilan nang pagkamatay ng limang tao (dalawa rito ay 18-anyos lamang) habang nasa isang concert na ginawa sa parking lot ng SM Mall of Asia noong Sabado ng gabi. Inabot ng 10 oras ang concert na nagsimula ng alas tres ng hapon. Nasa 14,000 ang dumalo sa concert.
Ayon sa report ang mga biktima ay dumaing nang paninikip ng dibdib at nag-collapsed. Dalawa sa mga biktima ang sinasabing namatay dahil sa atake sa puso. Ayon sa Department of Health (DOH) ang ipinakitang sintomas ng mga biktima --- paninikip ng dibdib, pinagpapawisan at nahihirapang huminga ay maaaring dahil sa kanilang ininom. Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa pinagdausan ng concert. Hindi pa umano inihahayag ang awtopsiyang ginawa sa mga biktima.
Pero ayon sa mga witness, isa sa mga babaing namatay ang nakitang sumasayaw habang umiinom ng tubig sa isang plastic bottle na pinagpapasa-pasahan umano ng mga tao kasama nito. Marami umanong nakainom sa tubig na pinagpapasa-pasahan. Makaraan iyon, nakita na lamang ang ilan sa biktima na nag-collapsed na at ang iba ay nahihirapan nang huminga. Isinugod sila sa ospital. Isa sa mga biktima ay American.
Ayon pa sa pulisya, tinitingnan nila ang isang report na bago nagsimula ang concert ay may mga nag-take ng party drug na tinatawag na “green apple” o “green amore”. Ito umano ay isang capsule na pinaghalo-halo ang shabu, cocaine at ecstacy. Ayon pa sa pulisya, may nagsabing nangangamoy marijuana habang ginagawa ang concert. Sabi naman ng organizers ng concert, ginawa nila ang lahat nang paraan para ma-secure at matiyak ang kaligtasan ng mga dumalo sa concert.
Marami nang nangyayari na habang nasa concert ay may nakakalusot at nakagagamit ng droga. Kung sa New Bilibid Prison (NBP) ay naipupuslit ang droga sa open concert pa kaya ang hindi. Talamak ang bentahan ng kung anu-anong droga sa bansa. Maluwag na nakakapasok sa bansa dahil hindi mahigpit at natatapalan ng pera ang mga awtoridad.
Pangako ni president-elect Rodrigo Duterte na lulutasin ang problema sa illegal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Aabangan ito ng taumbayan. Durugin ang drug traffickers.
- Latest