^

PSN Opinyon

‘Batik sa mukha’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

ANONG KISKIS, lagay ng sabon at hugas ng tubig man ang gawin mo kapag ang ugali ng iyong kausap ay nakatatak na, mas mabuti pang huwag ka ng makipag-usap. May batik na ito sa mukha.

“Kung saan-saan na kami lumapit para humingi ng tulong sa kalagayan ng anak ko sa abroad pero wala pang umaaksyon. Ayaw naming hintayin na may masamang mangyari sa kanya,” ayon kay Bernard.

Sinasaktan at pinagsasalitaan ng hindi maganda. Wala pang maayos na pahinga. Ito ang idinadaing ni Bernard Ringad, Sr. na taga Ligao, Albay na pinagdadaanan ng anak na si Jarry Ringad na kasalukuyang nasa Tabuk, Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Pang-apat sa walong magkakapatid si Jarry. Nakapagtapos ng ‘Aircraft Mechanic’ at lisensiyado na.

Sa kagustuhan niyang matulungan ang mga magulang sa pagpapaaral sa mga kapatid ay sinubukan niyang mangibang bansa dahil paniniwala niya ay mas malaki ang kikitain niya doon.

Lumapit si Jarry sa Global Asia Alliance Consultant Inc. upang makahanap ng magiging employer sa ibang bansa.

Siniguro pa ng kanyang nakausap na maayos ang trabaho dun at ang employer na mapupuntahan niya.

Pebrero 2016 nang umalis siya ng bansa. Si Gazim Ashir ang naging amo niya run.

May ‘roaming number’ ang kanyang anak ngunit hindi nila ito matawagan kaya’t sa chat lang nila ito nakakausap.

Sa halip na trabaho ang makuha ng anak ko run kalbaryo pa ang pinagdadaanan niya,” wika ni Bernard.

Hindi raw maganda ang pagtrato ng amo ng kanyang anak. Tagalinis daw ito ng kotse. Madalas pa raw itong saktan kapag hindi nakontento sa linis niya sa sasakyan.

“Kung dito sa Pilipinas parang sa carwash ang trabaho niya. May pagkakataon ang kinukwelyuhan siya, Sinasalya rin at pinagsasalitaan pa ng hindi maganda,” salaysay ni Bernard.

Mula nang ibalita ni Jarry sa pamilya ang kanyang pinagdadaanan hindi na mapakali ang mga ito. Nag-aalala sila sa kalagayan ng anak at nababahala din sila baka may mangyari pang masama dito.

Kahit wala raw itong ginagawang mali ay hindi pa rin maganda ang trato ng amo sa kanya.

“Ang alam naming nasa Tabuk, Haql Alzhara Dist. Kingdom of Saudi Arabia siya nagtatrabaho. Lahat ng malalapitan namin sinubukan ko ng puntahan,” ayon kay Bernard.

Lumapit na sila sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Foreign Affairs (DFA) at ilang kasamahan sa media.

Sagot raw sa kanila mas binibigyan ng prayoridad sa pagpapauwi sa bansa ang mga labi ng ating kababayang OFW na namatay sa ibang bansa.

“Ayoko namang hintayin na may masama pang mangyari sa anak ko bago siya makauwi. Sa lahat ng pinuntahan namin wala silang aksyon na ginagawa para tugunan ang kahilingan namin,” sabi ni Bernard.

Ayon pa daw sa kanyang anak para raw itong preso doon na kahit anong gawin sa kanya ay wala siyang magawa. Naiiyak na lang ito sa sitwasyong pinagdadaanan.

Daing din ni Jarry na lampas sa tamang oras kung magtrabaho sila at walang maayos na pahinga.

“Bihira namin siyang makausap sa chat kaya naman wala kaming ideya kung ano na ang nangyayari sa kanya. Sinubukan naming lumapit sa inyo baka sakaling matulungan niyo kaming makauwi na lang ang anak namin,” pahayag ni Bernard.

Humingi ng sila ng tulong sa ahensya ni Jarry ngunit sagot sa kanila wala raw silang magagawa para makauwi ito dahil nakakontrata. Kailangan daw muna niyang tapusin ang kontrata bago siya makabalik ng bansa.

“Sa ganitong sitwasyon na takot na ang nararamdaman ng anak ko matapos pa kaya niya ang kontrata? Bakit parang wala namang pakialam ang ahensya niya sa nangyayari sa anak ko run sa Saudi?” wika ni Bernard.

Kahit saan pa raw sila dumulog, kahit subukan pa nila sa POEA o sa NBI ay hindi mapapauwi ang kanyang anak.

Tanong ni Bernard hihintayin pa bang may mangyaring masama sa kanyang anak bago sila matulungan ng ahensya?

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, isa sa problema ng ating mga kababayan ay ang walang takdang oras ng trabaho dahil ang ibang employer kahit ‘overtime’ sige pa rin ang trabaho. Wala naman ibinibigay na ‘overtime pay’ hindi nila tinitingnan ang kalagayan ng kanilang mga trabahador kundi mas mahalaga sa kanila ang kita.

Madalas maipit ang ating mga kababayan sa pag-uwi ng Pilipinas dahil isa sa pinanghahawakan sa kanila ng ahensya at employer ay ang kontratang pinirmahan nila bago magsimula sa pagtatrabaho.

Sisingilin sa kanila ang halagang nagastos sa pagsasaayos ng mga papel at pagbabayarin sila sa kontratang hindi natapos. Dahil karamihan sa kanila ay walang maibayad, wala na silang mapagpipilian kundi ang manatili sa amo o ipagbibili sa ibang amo para lang huwag magbayad.

Hindi pa sila kaagad makakabalik ng bansa hangga’t hindi sila binibigyan ng ‘exit visa’ ng employer.

Kung tutuusin dehado naman talaga ang ating mga kababayan. Ang pangmamaltrato at pananakit ay basehan na upang makaalis sila sa mabibigat na kamay ng kanyang amo.

Ang ahensya naman ni Jarry ay maaari nilang ireklamo sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kay Administrator Hans Cacdac upang maimbestigahan kung mayroon bang pagkukulang ang mga ito.

Upang masiguro ang kalagayan ng anak ni Bernard nakipag-usap kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA), Consular Affairs nang sa ganun ay maiparating sa ating embahada ang kalagayan ito ni Jarry.

Anumang balita sa kasong ito ay agad naming ipapaalam sa inyo.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with