Pusong mamon
MATINDI ang hinanakit ng ilang opisyales ng Manila Police District Headquarters, Station Commanders at Police Community Precints sa mga tunay na media na bumabatikos sa kanilang semplang na gawain. Iyan ang naging paksa nang makaniigan ang grupo ng Manila Police District Press Corps noong Huwebes sa MPD headquarters. Kasi nga, wala raw batayan ang mga pagbabanat ng ilang tunay na media kaya nalalagay sila sa kahihiyan, hehehe! Paano kaya nangyaring walang batayan ang pagbanat kung ang babasehan ay ang malawak na operasyon ng bookies ng horse racing, looting, devil machine na video karera/fruit games na inirereklamo ng Manilenos? Ang drug pushing squatter’s area, patayan at holdapan sa Baseco Compound, Port Area, Parola at ilang lugar sa Tondo na nagiging usap-usapan na mismo sa MPD. Wala nga bang batayan iyon na maiparating sa madlang people upang mabigyan ng solusyon?
Itong lungsod ni Manila Mayor Joseph Estrada ay naging sentro ng buy-bust operation ng PNP-Anti Illegal Drugs Group, Quezon City Police District, Philippine Drug Enforcement Agency, National Capital Region Police Office, National Bureau of Investigation at Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region kung saan kilo-kilong shabu ang nasasakote at nalalambat ang mga drug lord na mga Intsik. Nagiging headline ito sa TV, radio at diyaryo dahil ang media ay kasama na ngayon sa pumipirma bilang witness sa operasyon maging ito’y buy-bust, warrant of arrest at search warrant kaya hindi ito maipagkakaila sa madlang people mga suki! Kung sabagay aminado ako na kumikilos din naman ang ilang opisyales ng MPD subalit hindi kuntento rito ang Manilenos dahil maituturing na buraot lamang ang naimumustra sa kanila. Kayat ang hinala tuloy nitong aking mga kausap may mga pasok na pulis ng MPD sa mga illegal activities na hindi alam ng pamunuan.
Subalit doon sa mga opisyal na talaga naman nagkukumahog na malambat ang mga illegal activies ay sinasalududan ko iyon mga suki. Katulad na lamang nitong nakaraang linggo nang salakayin nina Supt. Tuliao at C/Insp. John Guiagui ang bakuran ng Golden Mosque sa Quiapo, mahigit 80 tao ang inaresto sa bultong shabu at sari-saring baril ang nasamsam. Patunay lamang ito na may bayag ang mga opisyal sa pagharap sa panganib. Get n’yo mga suki!
Si Supt. Redentor Ulsano ay walang tigil sa pananalakay sa mga lungga ng drug pushers bagamat buraot lamang ang nasasakote malaking bagay naman ito upang mapigil ang paglaganap ng droga sa Tondo. Si Supt. Romeo Macapaz may ilang beses na rin akong nakakasama sa pananalakay sa Pasig River ilalim ng Delpan Bridge. Ang pagsakote nina Supt. Albert Barot at Supt. Robert Domingo sa mga pusakal ay hindi nakakalampas sa aming night duties kaya naibobrodkas sa radyo at TV. Iyan ang ilan sa pruweba mga suki. Huwag kayong pusong mamon mga Sir dahil nasa kamay ninyo ang istorya na aming ilalathala. Abangan!
- Latest