Puro problema, puro kalokohan
PAANO pa kaya mababago ang imahe ng Office for Transportation Security (OTS)? Paano pa maibabalik ang tiwala ng tao sa mga tauhan nila na nagbabantay dapat sa NAIA? Sa kabila ng isyu ng “tanim-bala” na kailan lang ay medyo nabawasan na, ito naman ang malalagay sa balita. Isang airport screener ng OTS ang nasabat sa pagpuslit ng 47 iba’t ibang hayop patungong Japan. Kabilang sa mga hayop ay 11 tarsier, 11 ahas, walong sailfin lizard at mga kuwago. Nakalagay sa mga styrofoam na kahon ang mga hayop, at siya mismo umano ang nagproseso ng mga papeles para madala ang kargamento sa Japan. Mga halaman daw ang laman. Ang ilang mga hayop na ipadadala ay protektado na ng batas dahil mababa na lang ang bilang nila sa kagubatan. Humaharap ngayon sa kasong paglabag sa wildife na batas.
Mahirap paniwalaan na siya lang ang sangkot sa pagpapadala ng mga hayop sa ibang bansa. Kung ang maliliit na iisang pirasong bala ay “nakikita” sa mga bagahe ng mga pasahero, bakit walang ingay mula sa OTS tungkol sa mga hayop na ipinadadala sa ibang bansa, partikular mga protektado na ng batas at malinaw na hindi idineklara? Sino ang nag-X-ray sa mga kahon? Mahirap ba sabihin sa X-ray kung hayop o halaman? At gaano katagal na kaya ginagawa ito kung may kontak na sa Japan?
Lahat na nang klaseng raket ay lumulutang sa OTS. Pangingikil sa “tanim-bala”, pagbenta ng mga hayop, at huwag nating kalimutan ang ilang kilo ng droga na nadiskubre sa Hong Kong, pero hindi raw nakita rito sa Pilipinas. Kung anu-anong katawa-tawang dahilan ang ibinigay kung bakit hindi nakita ang higit dalawang kilong cocaine. Wala raw peligro sa eroplano kaya okay lang. Magtataas ka talaga ng kilay, at mawawala na talaga ang tiwala mo sa ahensiyang ito.
Nagsalita na rin ang Public Attorney’s Office(PAO). Magsasampa na raw sila ng demanda laban sa mga tauhan ng OTS kung magpapatuloy pa ang “tanim-bala” sa NAIA, at kung pilit pang kakasuhan ang mga nahuhulihan umano ng bala sa mga bagahe. Hindi raw paglabag sa illegal possession of firearms ang mahulihan ng isang bala na wala namang baril, at walang intensiyon na gamitin ang nasabing bala. Higit 32 kaso na ang ibinasura ng DOJ kaugnay ang “tanim-bala” na raket na ito. Problema at kalokohan sa OTS. Sana may kumilos na para malinis ang ahensiya, para na rin sa imahe ng buong bansa.
- Latest