EDITORYAL - Hindi rin naipasa ang BBL
MARAMING dahilan kung bakit hindi naipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa kabila nang pagla-lobby ni President Noynoy Aquino. Isang dahilan ay ang kakulangan ng quorum. Lagi raw absent ang mga mambabatas kaya walang nakuhang support para maipasa ang BBL. Hanggang sa huling session ng Kongreso noong Miyerkules ay walang nakuhang suporta sa mga mambabatas ang panukalang batas. Ang BBL ang pangunahing component ng peace deal na nilagdaan ng gobyerno sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Kung nalagdaan ang BBL, isang bagong Muslim autonomous region ang sana ay isisilang. Pero hindi nga ito nagkaroon ng katuparan sa termino ni P-Noy.
Ganunman, maraming nagsabi na kung ang “manok” ng administrasyon ang mananalo sa May 2016 presidential elections, malaki ang posibilidad na matuloy ang BBL sa susunod na taon. Naniniwala ang marami na itutuloy ng kaalyado ni P-Noy ang pagsasakatuparan ng BBL sapagkat marami nang umasa rito.
Mayroon namang nangangamba na ang hindi pagkakasabatas ng BBL ay magpapasiklab na naman ng kaguluhan sa Mindanao. Ang mga hindi sumasang-ayon sa BBL, gaya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ay maghahasik ng gulo hanggang sa tuluyan nang mawasak ang peace process. Gagawin lahat ng BIFF at iba pang rebeldeng grupo ang kanilang makakaya para wasakin ang pakikipagkasundo ng MILF sa gobyerno.
Maraming nagsasabi na ang hindi pagkakapasa ng BBL ay dahil sa pagmasaker sa 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) noong Enero 25, 2015. Malaki ang epekto ng masaker sapagkat hindi naging parehas ang MILF habang iniimbestigahan ang kaso. Hindi nakikiisa ang MILF para mapadali ang paghahanap ng katotohanan sa Mamasapano massacre.
Siguro, kailangan munang rebyuhin ang BBL bago ito tuluyang maipasa. Kailangang dumaan muna sa mabusising pagrepaso upang malaman ang nilalaman ng panukala. Siguro nga’y nagbuwis ng buhay ang SAF 44 para hindi muna maipasa ang BBL. Saka na muna ito pag-usapan pagnakita ang katotohanan.
- Latest