Si Bongbong at ako
BILANG isang halal na opisyal ng gobyerno, kailanman ay hindi ako nagsalita ng laban sa aking kapwa opisyal na kongresista o senador.
Maliban na lamang kung mayroon akong dokumento o ebidensiya laban sa isang kapwa pinuno na halal ng bayan o hinirang ng presidente.
Kaya kung napansin ninyo, wala akong siniraan sa limang kandidatong presidente. Dahil ang aking katwiran walang karapatan ang sinuman na siraan ang pagkatao ng kanyang kalaban sa pulitika.
Kahit na nga itinatwa ako ni kumpanyero Rody Duterte na hindi raw niya ako kakilala gayong nagkasama kami sa Rex Talionis frat sa San Beda College noong kami ay law students, hindi ako nagbigay ng masamang reaksiyon.
Ang aking katwiran mayroong Panginoong nakatunghay sa amin at alam Niya kung ano ang tama at sino ang hindi nagsasabi ng totoo.
Pati na ang aking bashers sa internet na kung anu-anong paninira ang ibinabato sa akin na pawang kasinungalingan at maaring pakawala ng mga kalaban sa pulitika ay hindi ko pinapansin.
Ang aking katwiran bahagi sa teritoryo ng isang halal na opisyal ang siraan ng mga taong kung hindi man nagpapagamit ay kapos sa kaalaman sa inside story ng isang isyu nguni’t nakikisawsaw at nagmamagaling dahil isa ito sa hindi magandang ugali nating mga Pilipino.
Mahilig tayong magmagaling at magyabang kahit wala tayong malawak na kaalaman sa isang isyu.
Kaya isa sa mga hinahangaan kong pulitiko dahil pareho kami ng ugali na walang masamang tinapay ay si Sen. Bongbong Marcos. Kahit anong paninira ang ibato sa kanya ng mga kalaban sa pulitika hindi siya napipikon. Buong tapang niyang hinaharap ang bawat isyu na maliwanag na paninira lamang sa kanyang kandidatura bilang vice president.
Ang kanyang pagiging cool under fire ay magandang senyales dahil ito ay trademark ng isang tunay na statesman.
Kung ako ang tatanungin karapat-dapat maging vice president si Bongbong Marcos.
Kung hindi pa ninyo alam, ang kanyang amang si FM ang nag-utos noon na bigyan ng 13th month pay tuwing Disyembre ang lahat nang manggagawa sa gobyerno at maging sa pribadong sektor.
- Latest