PITONG dekada na ang nakalilipas mula nang matapos ang World War 2, partikular dito sa Pilipinas. Sinakop ng Japan ang Pilipinas, at nanatili ng halos apat na taon bago bumalik ang mga Amerikano. Matinding kahirapan din ang dinanas ng bansa sa kamay ng mga sundalo. Nang matapos ang digmaan, binago ng Japan ang kanilang Saligang Batas, at nangakong hindi na muli magiging agresibo at masasangkot sa digmaan.
Bumisita sa bansa si Emperor Akihito at kanyang asawang si Empress Michiko noong nakaraang linggo. Apat na araw silang namalagi sa bansa. Naging emperador ng Japan si Akihito noong 1989. Ang kanyang ama na si Emperoro Hirohito ang namuno sa Japan noong panahon ng digmaan. Dahil sa pagbago ng kanilang Saligang Batas noong 1947, wala nang pulitikong kapangyarihan ang emperador ng Japan, pero simbolo pa rin siya ng bansa at pagkakaisa ng kanilang mamamayan. Iginagalang at inirerespeto pa rin.
Maganda ang ating relasyon sa Japan ngayon. Magandang halimbawa ito ng kasabihan na naghihilom ang lahat ng sugat. Ang Pilipinas ang malaking benepisyaryo ng tulong pinansyal at teknikal mula sa Japan sa loob ng anim na dekadang diplomatikong relasyon. Maraming mamamayan ang nakinabang na sa kanilang mga tulong, partikular sa mga probinsiya. Sa panahong ito, kaalyado natin ang Japan sa kabila ng pangmamaton ng China.
Bahagi ng pagdalaw ni Akihito ay ang pagpunta at pag-alay ng karangalan at dasal sa lahat nang namatay noong digmaan. Higit kalahating milyong sundalong Hapones ang namatay sa Pilipinas, pinakamarami raw sa labas ng Japan. Noong 2015, unang pagkakataon ginamit ng emperador ang mga salitang “malalim na pagsisisi para sa digmaan na inilunsad ng Japan sa pangalan ng kanyang ama”. Dagdag pa niya na hindi dapat makalimutan ang kasaysayan, para mas malinaw ang direksyon para sa kinabukasan.
May isyu pa rin na hindi pa lubusang matapos, ang isyu ng “comfort women”. Halos lahat ng bansa na sinakop ng Japan ay may isyung ganito, at matagal nang humihingi ng opisyal na paghingi ng tawad, pati na rin kabayaran. Sa pagkakaalam ko, ang South Korea pa lang ang nakakatanggap ng mga kundisyong ito. Sana magawa rin sa Pilipinas ang kanilang nagawa na sa South Korea. Sa mga ipinakita ni Emperor Akihito, hindi malayo na makakamit ito.