ISANG taon mula nang masaker ng SAF-44 sa Mamasapano, humihingi pa rin ng Katarungan ang mga naulila nila.
Mantakin mo, inabot nang 10 buwan mula nang paslangin ang police commandoes bago nademanda ang mga salarin. Enero 25, 2015, nang ubusin sila ng mga ka-ceasefire na Moro Islamic Liberation Front. Nobyembre na nang kilalanin ng Dept. of Justice ang 92 suspects na umubos sa 35 SAFs sa maisan sa Barrio Tukanalipao. Saka pa lang sila pinadalhan ng summonses para sa preliminary investigation sa Maynila. Wala ni isang sumipot. Kaya batay sa due process, pinadalhan sila ng panibagong imbitasyon. Inabot na ng Pasko. Wala pa rin dumating sa DOJ. Ihinahanda pa lang ngayon ng prosecution panel ang pagsampa ng sakdal sa korte.
Siyempre, dadaan sa muling pag-aaral ang kaso. Susuriin ng huwes kung may prima facie evidence. Saka pa lang ito maglalabas ng warrants of arrest. Kung kelan ise-serve ang warrants at huhulihin ang 92 na salarin, ewan lang natin. Nagyayabang pa sila na hindi nila isosoli ang mga ninakaw na uniporme, baril, at personal na gamit ng SAF-44.
Sa 35 SAFs pa lang ‘yan. Wala pang suspects sa pag-ambush at pagpatay sa siyam pang SAFs sa kabilang baryo, na nagtumba kay Marwan. Katuwiran ng NBI, wala kasing witnesses dito.
Kung pulis na mismo ang pinatay ay wala pang Hustisya, ano pa kaya para kay ordinaryong Juan dela Cruz? Siya ang nagtutustos sa suweldo ng SAF. Pero biktima siya araw-araw ng patayan at holdapan. Walang solusyon, walang humpay; wala siyang masulingan.
Samantala, inaapura ng Malacañang ang pagpasa ng Kongreso ng Bangsamoro Basic Law. Paghahariin ng BBL sa Muslim Mindanao ang mismong mga pumatay sa SAF-44.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).