DALAWANG sakit na ang ikinakalat ng lamok na Aedes aegypti at pawang mapanganib. Ito ay ang dengue at ang Zika virus. Sa kasalukuyan, mayron nang bakuna laban sa dengue pero sa Zika virus ay wala pa. Kung tutuusin, mas matindi ang dulot ng Zika virus sapagkat apektado ang mga ipinagbubuntis na sanggol. Kapag nakagat ng Aedes aegypti ang inang buntis, magkakaroon ng neurological disorders at brain malformation ang mga sanggol na nasa sinapupunan. Sa kasalukuyan, marami nang kaso na naitala sa Latin American countries. Ayon sa report, pinakamataas ang kaso sa Brazil kung saan, ang mga sinisilang na sanggol ay abnormal ang itsura --- maliit ang ulo at may pinsala ang utak. Sa kasalukuyan, binibigyang babala ang mga kababaihan sa Brazil na huwag munang magbubuntis para maiwasan ang pagkakaroon ng abnormal na sanggol. O kung buntis, umiwas sa mga lugar na infested.
Malaki ang pagkakahawig ng sintomas ng Zika virus sa dengue. Magkakaroon ng lagnat, mga pantal sa katawan, pananakit ng ulo, mapupulang mga mata at masakit na kasu-kasuan.
Marami nang ginagawang paraan ang Brazil para mapuksa ang mga lamok na naghahatid ng Zika virus. Mayroon na silang pinakawalang mga “lamok” para labanan ang mga lamok na nagdadala ng virus. Tinatawag na biotech bugs, inililipat ng mga “lamok” na ito ang lethal gene sa mga kalabang lamok at mamamatay ang mga ito bago pa makapaminsala. Tagumpay ang proyektong ito sapagkat nabawasan ng 80 percent ang mga lamok na nagdadala ng Zika virus.
Nababahala ang Word Health Organization sa pagkalat ng Zika virus kaya naman nananawagan sila na mag-ingat ang lahat sa mga lamok na nagdadala ng sakit. Nagkakaroon na sila ng surveillance sa mga bansang maraming kaso ng Zika virus at mahigpit ang kanilang monitoring.
Ang Department of Health (DOH) naman ay patuloy ang pagpapaalala na mag-ingat sa Zika virus at unang-unang dapat gawin ay maging malinis sa kapaligiran para walang matirahan ang mga lamok na may virus.
Hindi lamang kung tag-ulan dapat maglinis sa kapaligiran kundi araw-araw. Huwag bigyang pagkakataon na dumami ang mga lamok. Sugpuin sila bago ang mga tao ang masugpo dahil sa hatid na virus.