Daming shabu
NAGULUHAN ang masa sa sinapit ni Lt. Col. Ferdinand Marcelino nang mahuli ito ng PDEA sa isang condominium sa Felix Huertas, Sta Cruz, Manila noong nakaraang Huwebes. Kasi, si Marcelino ang naging susi sa pagkaaresto sa mga bigtime drug lord sa bansa. Nagtaka ang PDEA agents kung bakit naroon sa condo si Marcelino kasama ang Chinese interpreter na si Yan Yi Shuo? Sangkaterbang shabu ang nasamsam na nagkakahalaga ng P385 milyon. Luminya na nga kaya si Marcelino sa droga dahil madaling pagkakakitaan? Kaya ang turing sa kanya ngayon ay “Agent drug buster noon drug busted ngayon”. Sa hanay ng mga pulis sa ngayon ay may ilan ding lumilinya sa bangketahan sa kanilang naarestong drug pushers/users dahil madaling mapasuka ng datung. Kaya ang pushers/users ay nakakalaya at nagpapakalat ng droga sa kalye.
Subalit kung sa press release ng Philippine National Police, palaging pogi ang dating ng mga pulis kaya nangingiwi ang labi ng mga kausap ko sa Manila Police District. Paano kasi mga butiking bagin lamang ang nakukulong dahil ang mga big time ay may datung na isusubo sa mga pulis. Kung seseryosohin lang ni PNP chief Director Gen. Ricardo Marquez at DILG Secretary Senen Sarmiento ang kampanya sa droga madali lamang ito, unahin muna nilang burikiin ang mga blotter sa presinto at tiyak maaamoy ang alingasngas.
Ang malaganap na operasyon ng mga video karera/fruit games machine ay marapat pag-ukulan ng panahon nina Marquez at Sarmiento dahil ang kakambal ng droga ay mga salot na makina. Karamihan sa VK operators ay mga pulis kaya hindi maipatigil, dagdag pa rito ang pagkunsinti ng barangay officials. Ang kawawa sa paglaganap ng VK machines ay mga kabataan na naging adik sa paglalaro at kasisinghot ng droga. Kailan kaya ikukumpas nina Marquez at Sarmiento ang kanilang kamay na bakal laban sa VK operators? Mabigat kaya ang kanilang kamay na bakal dahil barya-barya lang ang VK? Iyan ang aabangan ko mga suki!
- Latest