EDITORYAL - Huwag nang mag-taxi
NOON pa, marami na talagang taxi driver na magaspang ang ugali. Mas marami ang magaspang kaysa pino. Saan naman nakakita na ang pasahero pa ang naninimbang sa taxi driver. Ang pasahero pa ang lumalabas na nakikiusap sa driver para maihatid sa pupuntahan. At ang taxi driver siyempre ang laging nasusunod. Kung ayaw niyang maghatid sa sinabing address ng pasahero, hindi siya mapipilit. Lalo na nga kapag ang lugar na pupuntahan ng pasahero ay matrapik. Sorry na lang ang kawawang pasahero.
At kung sakali at pumayag ang taxi driver na ihatid ang pasahero, ipipilit niyang huwag nang i-metro at bayaran na lamang siya sa pagkakasunduang pasahe. Walang magawa ang pasahero kundi pumayag. At kahit napagkasunduan na ang dapat bayaran, ang magaspang na taxi driver, hihirit pa nang tip. At kapag hindi nabigyan ng tip, dito na magsisimula ang pagti-trip ng drayber. Mumurahin at pagbabantaan ang pasahero.
Ganito ang nangyari sa isang babaing pasahero at pamangkin nito na sumakay ng taxi sa North EDSA at nagpahatid sa Ortigas kamakailan. Humihingi ng P50 na dagdag ang drayber na nakilalang si Rolando Camara pero hindi binigyan ng pasahero. Nagalit at pinagmumura ni Camara ang pasahero. Nakunan ng video ang pagmumura ng driver at nag-viral sa social media. Inireklamo sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at sinampahan ng kaso.
Nag-viral din ang pagmumura ng taxi driver na si Roger Catipay na binantaan din ang babaing pasahero na sasaktan. Inireklamo rin sa LTFRB at sinuspende rin ang magaspang na driver.
Ang matindi ay ang ginawa ng taxi driver na si Manuel Publico sa kanyang pasaherong seaman na tinangka niyang tagain ng samurai. Nasugatan ang pasahero sa kamay. Hindi nagkasundo ang dalawa sa pasahe kaya pinababa ang seaman. Nang ayaw bumaba, sinamurai niya ang seaman. Naawat lang ito nang sumaklolo ang bystanders. Sinampahan ng kaso ang driver.
Nakaaalarma ang nangyayaring ito. Kawawa ang pasahero sa taxi driver at wala namang agarang aksiyon ang LTFRB. Mas maganda kung huwag na munang mag-taxi ang mamamayan. Huwag na muna silang tangkilikin sa ngayon. Huwag isapalaran ang buhay.
- Latest