Golden Age of Philippine movies
NOONG teenager pa ako nang 1980s, excited kami tuwing darating ang Metro Manila Film Festival sa December. Sure kami na nandiyan na naman ang mga magagandang pelikula nina Marilou Diaz Abaya, Ishmael Bernal, Lino Brocka, Celso Ad. Castillo, at Mike de Leon. Sina Bernal at Brocka ay mga National Artists na ngayon.
Mataas ang kalidad ng mga pelikula. Nariyan ang “Brutal” ni Abaya, ang “Himala” ni Bernal, ang “Bona” ni Brocka, ang “Itim” ni de Leon. Ang mga ito’y ilan lamang sa masterpieces ng Philippine cinema. At ang mga ito’y unang ipinalabas sa MMFF.
Ihambing natin ang sitwasyon noon sa ngayon. Ang MMDA na hindi nga magawa ng matino ang trabaho nitong ayusin ang bangungot ng ating trapik ay organizer ng MMFF ngayon. At dahil hindi naman nila core competence ang pag-organize ng film festival, tingnan ninyo ang kapalpakang nangyayari ngayon.
Karamihan sa mga pelikula’y basura. May comedy na hindi naman nakakatawa, drama na hindi naman maaantig ang iyong kalooban, at horror na hindi naman nakakatakot. Karamihan sa kanila’y nariyan lamang para kumita. Walang redeeming value at all, maging ‘yan man ay sa lebel ng sining, o kasaysayan, o pagkakakilanlan o identity nating mga Pilipino.
Tama ang aktor at co-producer na si John Lloyd Cruz at direktor na si Erik Matti para ipaglaban ang kanilang matinong pelikulang ‘‘Honor Thy Father.’’ Na-disqualify ang pelikula for Best Picture honors dahil naipalabas na raw ito sa mas naunang festival.
Pero may sulat ang mga producer sa MMDA tungkol dito at pinayagan naman nilang ipalabas ito sa MMFF. Hindi na kasi nakaabot ang pelikulang ‘‘Hermano Pule’’ ni Direk Gil Portes.
At lumabas pa sa hearing sa Kongreso na walang auditing para sa kita ng MMFF dahil ito raw ay donated funds. Excuse me! ‘Yan po ay public funds na dapat ay dumaraan sa audit.
Dahil uso naman ang DQ ngayon, ang panukala ko’y i-DQ na ang MMDA sa MMFF. Ayusin na lang nila ang trapik at local governance, na siya naman nilang talagang trabaho.
* * *
Komento: [email protected]
- Latest