Laglagan sa LP
NOONG nakaraang taon, may isang beteranong mambabatas na inatake sa puso dahil umano sa matinding hinanakit matapos daw ilaglag ng Liberal Party (LP) at ipagpalit sa ibang politiko para sa lokal na posisyon sa Bulacan. Kaya kung papasok ka sa politika, tiyakin mo na matibay ang dibdib mo sa ganyang di inaasahang scenario.
Nagtungo at nakiramay si Pangulong Aquino sa lamay, ngunit hindi bumisita si Mar Roxas sa burol. Umuugong ang balita na nagkakaroon na ng lamat sa loob ng LP dahil sa kagustuhan umano ng kanilang standard bearer na si Roxas na gawing kapartido agad-agad ang mga incumbent na opisyal sa mga lokal na posisyon. May mga grupo sa loob ng LP na ayaw sa ganyang istilo at nais nang kumalas dahil sa pagwawalang-bahala ng kasalukuyang pamunuan ng partdio na palakasin at patibayin ang alyansa. Marahil, bukod sa mga tinabangan sa ginagawa ng liderato ng LP, apektado rin nito ang ibang mga myembro na wala sa poder o hindi incumbent pero nais pa ring tumakbo sa lokal na posisyon sa darating na eleksyon sa Mayo.
Kaya natural lang na may magagalit sa ginawang aksyon ni Roxas, na nag-aakala sa kanyang hakbang ay makakahatak ng boto para sa kanya at running mate na si Leni Robredo. Bagama’t president-on-leave si Roxas (base sa website ng LP) siya pa rin ang may huling salita sa loob ng kanilang partido. Tanong ng Barbero kong si Mang Gustin, hindi kaya alintana ni Roxas kahit pa makaaway niya ang sariling kapartido?
Marahil ito na ang epekto ng patuloy na malamyang standing niya sa lahat ng mga election-related survey. Kahit ilang ulit pang sabihin ni Roxas na hindi siya apektado ng palagiang nasa likod ng mga nangunguna sa survey, iba naman ang kanyang nagiging aksyon. Bakit hindi siya magiging desperado, ilang daang-milyon na ang nagastos ng LP para sa kanilang television ads pa lamang, pero hindi pa rin ito nakatulong sa pag-angat ng kanyang mga numero. Dahil dito may mga LP member na iniisip nang tumalon sa partidong may puso at malasakit, ang kampo nila Sen. Grace Poe at Francis.
- Latest