EDITORYAL - Bitay sa drug traffickers dapat nang isulong!
PUGAD na ng drug traffickers ang Metro Manila at hindi na ito maitatanggi. Malinaw na malinaw ito dahil sa sunud-sunod na pagkakadiskubre sa mga bodega ng shabu sa maraming lugar sa lungsod. Dati ay sa mga apartment na nasa isang subdibisyon ginagawa at itinatago ang mga shabu pero ngayon ay nag-level up na ang drug syndicate at sa condominium na iniistak.
Gaya nang nadiskubreng shabu sa isang condo sa Sta. Cruz, Maynila noong Huwebes ng madaling araw kung saan nakakumpiska ng 36 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P256 milyon. Naaresto naman ang isang dating intelligence ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang abutan ito ng mga operatiba sa lugar kasama isang Chinese. Itinanggi naman ng opisyal ang paratang at sinabing naroon siya dahil sa isang lehitimong operasyon. Nakapiit ang opisyal makaraang sampahan ng kaso.
Noong nakaraang linggo, 36 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng milyong piso ang nadiskubre sa isang warehouse sa Valenzuela City at naaresto ang dalawang Tsinoy drug traffickers. Kasunod niyon ay ang pagkakaaresto naman sa dalawa pa ring Tsinoy drug traffickers sa Magsaysay Blvd. kanto ng Araneta Avenue sa Maynila. Nakumpiska sa kanila ang 30 kilos ng shabu na milyong piso rin ang halaga.
Sabi ng isang opisyal ng drug enforcement agency, dadagsa pa ang shabu bago ang Chinese New Year sa Pebrero. Nag-iipon umano ng pera ang mga Chinese drug traffickers at ang shabu ang pinakamabilis pagkakitaan.
Dapat maalarma na ang mga mambabatas sa nangyayaring ito na pagtalamak ng problema sa illegal na droga. Isulong ang pagbabalik ng death penalty at gawing eksklusibo lamang sa mga mahuhuling drug traffickers. Dapat magkaroon ng kamay na bakal laban sa mga “salot” na drug traffickers. Mabigat na problema ang illegal na droga. Dapat kumilos bago maging huli ang lahat.
- Latest