^

PSN Opinyon

“Init sa Disyerto”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

KAHIT MASIKIP NA ANG DADAANAN at ga-alambre lang ang tatawiran isusugal mo ang lahat makarating lamang sa kabilang ibayo kung saan inakala mo naghihintay ang katuparan ng iyong pangarap.

“Huling usap namin sa anak ko madalian lang, kinukuha na ng amo niya ang cellphone. Ang nasabi niya tulungan namin siya dun dahil hirap na siya,” ayon kay Arnulfo.

Pumasok bilang Household Service Worker (HSW) sa Riyadh ang anak ni Arnulfo Patag na si Lovely Patag.

Lumapit si Lovely sa ahensyang Rochart Global Resource Center sa Pedro Gil, Manila para makahanap ng mapapasukan sa ibang bansa.

Nang maisaayos ang kanyang mga dokumento at makompleto ang mga kailangan naka-alis siya ng Pilipinas noong Marso 1, 2015.

Si Abdullah Mohammed Al Gamlis ang naging amo niya sa Riyadh.

“Yung amo niya kinuha ang kanyang cellphone kaya hindi namin siya makausap kung kailan namin siya gustong kumustahin. Pati mga papeles niya kinuha rin,” ayon kay Arnulfo.

Nakakausap lang daw nila si Lovely kapag pinapagamit ng amo nito ang telepono ngunit pahirapan dahil laging inaagaw nito at pinapatigil na sila sa pag-uusap.

Kwento ni Lovely sa pamilya sinasaktan daw siya dun. Hinahampas ng kamay, sinasabunutan at pinipingot pa raw ng among babae.

“Hindi naman namin alam kung nagkaroon ba siya ng pagkakamali dahil tuwing mag-uusap kami nakikinig amo niya. Kung sakaling nagkamali ang anak ko hindi naman dapat na sinasaktan nila,” wika ni Arnulfo.

Maliban sa pananakit hindi rin daw pinapasahod doon si Lovely. Tatlong beses pa lang nagpapadala sa pamilya rito sa Pilipinas ang amo nito. Ang akala raw ng kanyang anak ay buwan-buwan.

May pinapirma rin daw na papel kay Lovely pero hindi niya naman maitindihan kung para saan yun. Wala siyang ideya kung tungkol ba sa sahod niya.

“Kapag tumatawag kami sa numero ng amo niya laging sinasabi na wala raw si Lovely. Kinukulit lang namin ng kinukulit para ipakausap sa amin ang anak ko,” sabi ni Arnulfo.

Nobyembre pa lang daw ay nagtungo na sila sa ahensya ni Lovely dito sa Pilipinas para i-report  ang kalagayan ng anak. Sagot sa kanila maghintay lang daw ng magiging aksyon ng counterpart agency nila sa Riyadh.

Giit nina Arnulfo matagal na silang humihingi ng tulong sa ahensya pero hanggang ngayon wala pang aksyon. Nung huli nilang bisitahin ang opisina nito ay sarado naman.

“Nag-aalala kami kay Lovely kung ano na ang kalagayan niya dun. Andito kami sa Pilipinas at ang ahensya naman parang walang ginagawa,” wika ni Arnulfo.

* * *

Para sa ibang balita...isang misis ang lumapit sa amin para idulog ang problema ng kanyang mister na nasa Riyadh din.

Ayon kay Marlene Almocera, asawa ng OFW na si Rodelio Almocera huli niyang nakausap ang mister noong Disyembre 11, 2015.

Nagtatrabaho bilang trailer driver si Rodelio sa Al Thinayyan Holding Company.

Taong 2004 nang una siyang magtrabaho dito sa pamamagitan ng AL Khalidi International Recruitment Services Inc. Bawat dalawang taon ay nakakauwi ng bansa Rodelio.

Natapos na niya ang kontrata sa ahensya kaya ‘direct hire’ na siya ng kompanya. Maglalabing dalawang taon na ngayong 2016 si Rodelio sa kompanya.

Kwento ni Marlene Nobyembre 29, 2015 nang magtext sa kanya ang mister na nagkaroon daw siya ng trouble sa isang Pakistani doon.

Nagkairingan sa daan. Dalawang ibang lahi ang nakainitan niya habang nag-iisa naman siya nung mga panahong yun.

“Nagkasuntukan po sila. Dalawa laban sa isa. Dinampot sila ng pulis at kinasuhan ng Physical Injury ang mister ko,” pahayag ni Marlene.

Sinakal pa umano ng dalawang nakalaban si Rodelio.

Nung huli silang magkausap sinabi ni Rodelio sa misis na naka-detain daw siya pero hindi nito nabanggit kung saan. Nakitawag lang daw ito sa Motawa.

“Nahihirapan ako ngayon dahil apat ang anak namin lahat pa sila nag-aaral. Sana matulungan niyo po kami sa naging problema ng mister ko,” pahayag ni Marlene.

Mula nung Disyembre ay hindi na nakatawag pa sa kanya ang mister. Lalong nag-alala si Marlene dahil wala na siyang balita tungkol sa naging kaso nito.

Kinumpiska na rin ang cellphone nito kaya’t kahit text ay di nito magagawa.

“Humihingi po ako ng tulong na sana malaman ko man lang kung maayos ang kanyang kalagayan. Sana mapauwi na siya,” ayon kay Marlene.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, malaking porsiyento ng ating mga kababayan ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa dahil sa liit ng kita dito sa Pilipinas.

Bawat taon ay nadaragdagan ang mga nagtatapos at nagdaragdagan din ang bilang ng mga walang trabaho.

Ang ilan sa atin kahit alam na nila ang katotohanang maaari silang mapahamak sa ibang bansa ay patuloy pa din silang sumusugal para lang sa mga pangarap.

Sa pangalawang kwento na aming naitampok, napakatagal na ni Rodelio sa kompanyang kanyang pinagsisilbihan. Bihira ang ganitong oportunidad na umabot ka ng labing dalawang taon.

Ibig sabihin nito maayos ang kanyang pagtatrabaho at maganda ang naging relasyon niya sa mga ito.

Hindi naman siguro siya papabayaan ng kompanya. Hindi natin maiaalis na mag-alala ang naiwan niyang pamilya dito. Upang makahingi ng balita at malaman ang kalagayan ni Rodelio at ni Lovely sa Riyadh, nakipag-ugnayan kami sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis.

Kasalukuyan siyang nakikipag-usap sa embahada natin sa Riyadh upang malaman ang tunay na nangyari sa ating mga kababayan doon.

Kay Rodelio wag tayong masyadong mainit kapag nasa ibang bayan, mainit na nga ang klima mainit pa ang ulo. Tingnan mo nangyari nakakulong ka tuloy.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

 

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

 

ACIRC

ANG

ARNULFO

LANG

LOVELY

MGA

NIYA

PILIPINAS

RIYADH

RODELIO

SIYA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with