Vitangcol: 5% kickback sa 48 bagon ng MRT-3
NILUTONG-makaw ang pagbili ng gobyerno ng 48 bagon ng tren mula China. Naglamyerda sa China, all expenses paid, ang mga opisyales ng DOTC at MRT-3 tatlong taon bago pa man magkabilihan. At nu’ng 2013 iniluklok ni Transport Sec. Joseph Abaya ang mismong mga naglamyerda sa mga maimpluwensiyang puwesto ng pag-endorso at pagtanggap ng mga produkto ng Chinese state-owned Dalian Corp.
Resulta: 5% kickback. Sa P3.85-bilyong presyo ng pagbili, P192.5 milyon ang ibinulsa ng mga kawatan sa DOTC-MRT-3.
Ginunita lahat ‘yan ni MRT-3 ex-general manager Al Vitangcol sa isang liham kamakailan kay Abaya. Aniya nag-alala siya dahil sa mga exposés ko kamakailan sa pagtanggap ni Abaya nu’ng Agosto ng unang bagon mula Dalian miski wala itong makina. Dahil walang makina, hindi ito na-test-run nang 5,000 km, na paglabag sa kontrata. “Nanganganib ang mga pasahero ng tren,” kinilabutan si Vitangcol.
Usap-usapan ang liham sa DOTC, na anang insiders ay natanggap ni Abaya nu’ng kalagitnaan ng Disyembre. Kinumpirma ko kay Vitangcol kung sa kanya nga ito ga-ling. Nagkita kami nu’ng Miyerkules, unang pagtatagpo mula nang umalis siya sa MRT-3 nu’ng Mayo 2014. Nag-resign siya, imbis na magpasuspindi kina Abaya at U-Sec. Jose Perpetuo Lotilla. Ito’y nang ibunyag ko na binigyan nilang tatlo ng $1.15-milyon buwanang maintenance contract ang PH Trams, kung saan incorporator-director ang tiyuhin ni Vitangcol at tatlong ka-Liberal Party ni president Abaya. Kinasuhan ng Ombudsman si Vitangcol lang, at pinalusot ang mga nakatataas na Abaya at Lotilla.
Miski GM pa siya noon, hindi nakisali si Vitangcol sa pagbili ng mga bagon. Pero nauna rito, nirebisa niya umano ang terms of reference para pumabor sa gobyerno. Kaya alam na alam niya na bahagi ng TOR na dapat may makina at na-test-run nang 5,000 km ang mga ito. Ang TOR ang buod ng kontrata, at ito ang dapat sundin bago magkabayaran.
- Latest