Terorismo na naman ang laman ng balita
JAKARTA, Indonesia naman ang bagong biktima ng te-rorismo, at marami ang nagsasabing kapareho ng estilo ng pag-atake sa Paris ang ginawa sa Jakarta noong Huwebes. Limang terorista ang unang nagpasabog ng bomba sa Starbucks. Namaril naman ang dalawa sa kanila habang patakas na, may dala pang mga hostage. Rumesponde naman ang mga pulis at napatay ang dalawa, pero nakapatay na rin sila ng sibilyan. Dalawa naman ang sumakay ng motorsiklo at pinasabog ang sarili nila sa isang istasyon ng pulis. Malinaw na ang target ng mga terorista ay mga negosyong dayuhan at mga turista mismo. Ang lugar kung saan ginawa ang pag-atake ay karaniwang pinupuntahan ng mga dayuhang turista. Maraming embahada rin sa lugar. Sa ngayon, nasa dalawa ang patay at 19 ang sugatan. Maaari pang tumaas ang tala ng mga namatay at sugatan. Wala naman daw namatay na Pilipino sa Jakarta. Ang limang terorista ay napatay ng mga pulis.
Noong Martes lang, isang bomba naman pinasabog umano ng ISIS sa Istanbul, Turkey, kung saan 10 turistang German ang namatay. Tila nagbigay pa ng pahiwatig na susunod nga ang Indonesia. Kaya ngayon, alerto na ang lahat ng bansa sa rehiyon, dahil malinaw na walang pinipili ang ISIS sa kanilang ginagawang terorismo. Ang Indonesia ay may pinakamaraming Muslim na populasyon sa buong mundo. Bagama’t ang target ay mga turista, partikular mga taga-Kanlurang bahagi ng mundo, tiyak na may madadamay na kapwa Muslim.
Alerto na ang bansa. Itinaas kaagad ng AFP ang security alert. Bagama’t wala pa raw patunay na nakapasok na ang ISIS sa bansa, hindi pa rin nagiging kampante ang lahat. Ang dalawa sa mga umatake sa Jakarta ay isang Algerian at isang Dutch o Canadian. May mga sumusuporta sa ISIS mula sa halos lahat ng bansa sa mundo, kaya hindi masasabi talaga kung sino ang mga ito. Hindi masasabi kung may nakapasok na sa bansa.
Hindi ito magandang simula sa taong ito. Mga insidente ng terorismo ang laman ng balita ngayon. Huwag lang sana umabot sa Pilipinas. Tandaan na aktibo pa rin ang Abu Sayyaf at BIFF, at hindi nakapagtataka na suportado rin nila ang ISIS. Dapat talaga madurog na ang dalawang grupo na ito, bago lumaki pa at masuportahan pa ng ISIS.
- Latest