Paalam, Kuya Germs
SI German Moreno o Kuya Germs ay isa sa mahahala-gang haligi ng entertainment industry. Pinangunahan niya ang hindi mabilang na programa sa telebisyon at lumabas sa higit 60 pelikula, ngunit mas nakilala siya sa personal na pagtulong, pag-aalaga at paghubog sa napakaraming propesyonal na artista na kinikilala noon at ngayon.
Para kay Mayor Joseph “Erap” Estrada na nauna ring nakilala bilang sikat na artista, si Kuya Germs ang nasa likod ng pagpatnubay sa dalawang henerasyon ng mga bituin at personalidad na siyang nagpapatuloy ng kanyang hangaring magbigay saya sa mga manonood.
Si Kuya Germs ay hinirang din ni Mayor Estrada bilang isa sa Outstanding Manilan noong taong 2014 dahil sa kanyang hindi matatawarang kontribusyon at malasakit sa industriya, kasabay ng pagdiriwang ng ika-443 Araw ng Maynila.
Ang buhay ni Kuya Germs ay maituturing din na inspirasyon para sa lahat na dahil sa kanyang pagsisikap ay umangat ang pangalan upang maging respetadong haligi ng entertainment industry. Nagsimula siya bilang janitor at telonero (curtain-raiser) noong dekada ‘50 sa mga tanghalan at panahon ng vaudeville kung saan namulat siya sa kinang ng industriya.
Agad naman siyang nabigyan ng pagkakataong maipakita ang talento sa tanghalan at pinilakang tabing bilang komedyante at choreographer. Nang lumaon ay nakilala bilang magaling na host ng ilang palatuntunan sa radyo at telebisyon, gaya ng “Walang Tulugan with the Master Showman,” “GMA Supershow” at “That’s Entertainment.”
Ganoon na lamang din ang kanyang pagbibigay suporta sa mga baguhan at bagong diskubreng kabataang artista na nangangarap na magamit ang kanilang mga talento upang matulungan ang kanilang pamilya at umangat sa buhay.
Kaya naman ang kanyang pagpanaw ay isang malaking kawalan sa industriyang kanyang lubos na pinasaya, binigyang sigla at minahal. Mula sa pamilya Estrada, maraming salamat Kuya Germs sa inyong mahahalagang kontribusyon sa pelikula, telebisyon at sining ng aliwan. Tunay na hindi kayo malilimutan ng mga Pilipino.
- Latest