Bastos si Guanzon
SUMIKAT bigla si COMELEC Commissioner Rowena Guanzon nang magsolo siyang magsumite sa Korte Suprema ng sagot sa disqualification kay presidential candidate Grace Poe nang walang kortesiyang hingin ang permiso ng COMELEC en banc. Kabastusan iyan. Nagbabangayan ngayon sina COMELEC Chair Andy Bautista at Guanzon. May sense of propriety at decency si Bautista kaya hindi niya kinunsinti ang aksyon ni Guanzon.
Tingin ng marami, may maitim na agenda ang babaeng ito. At ang agenda na ito ay malinaw na alisin si Grace sa darating na eleksyong pampanguluhan sa pinakamabilis na paraan.
Bago italaga ni Presidente Noynoy sa COMELEC, isa ring politiko si Guanzon na kaalyado ng Pangulo. Kaya kung aanalisahin, malinaw na ibig niyang mawala sa landas ng Liberal party si Grace na isang mabigat na kalaban ng kanilang manok sa pagka-Pangulo.
Simple, hindi ba? Habang naglalaon at nagpapatuloy ang komedyang ito sa COMELEC, malalantad ang tunay na kulay ni Guanzon at ano ang kanyang motibo. Sabi nga ng isang kakilala kong abogado “Guanzon has no pretensions over her actions. She does not have the decency to hide under legal covers her illegal actions”.
Lubhang halata ang diskarte ni Guanzon na may gana pang awayin ang COMELEC Chair na tinawag niyang bias kay Grace Poe. Ang COMELEC ay isang collegial body. Ibig sabihin, kung may gagawing desisyon, hindi puwedeng isang tao lang ang magpapasya nang walang pagsang-ayon ang ibang kasapi. Ni hindi nabasa ng ibang kasapi ang kalatas na iniharap ni Guanzon sa Korte Suprema! Hindi katuwiran yung sinasabi niyang hindi siya “under” ni Bautista. Malabnaw na katuwirang baluktot! Chairman pa rin si Bautista nang lupon na kinabibilangan niya kaya dapat siyang rumespeto rito pati na sa kanyang mga kapwa komisyunado. Dapat man lang ay binigyan niya ng kopya ang bawat isa ng kanyang iniharap na dokumento sa Korte Suprema. Kahit ang Kataastaasang Hukuman ay may ganyang paggalang sa bawat isa.
Kaya ang tanong, bakit palihim ang kilos ni Guanzon? Batid kong sisingaw at sisingaw din kung sino ang mga kamay na nagmamanipula kay Guanzon. Ang mga taong ito ang lumalapastangan sa ating umiiral na demokrasya at walang karapatang maluklok sa mataas na puwesto.
- Latest