Pilipinas: Mapanganib para sa mga mamamahayag
NANANATILING mapanganib na lugar ang Pilipinas para sa mga mamamahayag ayon sa mga international non-government organizations na nakatutok sa kalagayan ng mga kagawad ng media sa buong mundo.
Ayon sa ulat ng Reporters Without Borders na naka-base sa France, isa ang Pilipinas sa may mataas na kaso ng pagpatay ng mga mamamahayag. Nasa ika-limang puwesto ang Pilipinas sa kanilang listahan dahil sa naitalang apat na kaso ng pagpatay sa mga journalists noong nakaraang taon.
Nangunguna ang Iraq na may 11 kaso ng pagpatay ng journalists, na sinundan ng Syria; France at Yemen sa ikatlong puwesto; South Sudan, India at Mexico sa pang-apat na puwesto.
Samantala, ayon sa pagmo-monitor ng Committee to Protect Journalists na naka-base naman sa New York, USA, bagama’t naalis na ang Pilipinas sa listahan ng itinuturing na “World’s Most Deadly Countries for Journalists,” nagpapatuloy ang mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa.
Nakapagtala sila ng pitong kaso ng pagpatay sa media noong 2015, bagamat ang motibo sa likod ng kanilang pagpaslang ay inaalam pa at patuloy ang imbestigasyon kung may kinalaman ito sa kanilang propesyon bilang mga kagawad ng media.
Kami ni Sen. Jinggoy Estrada ay lubos na nababahala sa mga kaso ng pagpapatahimik sa mga mamamahayag dahil sila ang itinuturing na mahalagang sandigan ng demokrasya, tagapaghatid ng balita at pag-unawa sa mga napapanahong isyu.
Noon pa man, ilang panukalang batas ang isinusulong ni Jinggoy sa Senado upang mabigyang proteksyon ang mga mamamahayag at maisulong ang kalayaan sa pamamahayag.
Halimbawa, sa ilalim ng Senate Bill 1387 o bill decriminalizing libel, inaalis ang parusang pagkakakulong sa mga mamamahayag, at sa halip ay papatawan na lamang ng multa at posibilidad ng civil action. Isinulong din ni Jinggoy ang pagturing na krimen ng murder sa kaso ng pagpatay ng mga kawani ng media sa pagganap ng kanilang tungkulin at patawan ng mabigat na parusang reclusion perpetua to death.
- Latest