EDITORYAL - Huwag nang irehistro mga lumang sasakyan
ISA sa mga solusyon para mabawasan ang grabeng trapik sa Metro Manila ay ang pagdaragdag ng mga bagong kalsada at skyway. Kapag hindi nagkaroon ng karagdagang kalsada, lalo pang lulubha ang trapik sa 2020 o apat na taon mula ngayon. Sinabi ng isang senior official ng American Chamber of Commerce in the Philippines, na napakarami nang sasakyan ngayon at lalo pang dadami sa susunod na apat na taon. Kapag dumami pa ang sasakyan, napakahirap nang manirahan sa lungsod na ito. Ayon pa sa opisyal, tinatayang madadagdagan ng 500,000 ang mga sasakyan sa Metro Manila. Malaking problema aniya ito ayon kay Forbes kaya nararapat nang gumawa ng hakbang ang pamahalaan para madagdagan ang mga kalsada at skyway gayundin ang mga riles. Kung hindi magkakaroon ng mga access roads sa bansa, mararanasan ang pinakagrabeng trapik sa Metro Manila.
Tama ang assessment ng opisyal ng Chamber of Commerce. Tama rin ang kanyang payo na dapat magdagdag ng mga kalsada at skyway pero ang pinaka-epektib na paraan ay ang huwag nang payagan ng Land Transportation Office (LTO) na irehistro ang mga sasakyang may edad 15 taon pataas. Kung hindi na marerehistro ang mga lumang sasakyan, malaking kabawasan sa nararanasang trapik sa Metro Manila. Sa kasalukuyan, kahit na ang mga kakarag-karag na dyipni na halos puro kalawang na ay inirerehistro pa. Inirerehistro rin ang mga lumang truck na kadalasan ay walang preno at panganib ang hatid sa iba pang motorista, pasahero at pedestrians. Kamakalawa, isang lumang truck na may kargang mga bakal ang nawalan ng preno habang nasa Mindanao Ave., Quezon City at inararo ang isang school bus. Maraming estudyante ang nasaktan sapagkat naipit ang school bus sa isa pang truck na nasa unahan.
May bago nang hepe ang LTO at dapat ay magkaroon siya nang matalinong pagpapasya para mabawasan ang mga lumang sasakyan. Ipag-utos niyang huwag nang irehistro ang mga luma o karag-karag na sasakyan. Bukod sa nagdadagdag sa trapik, naghahatid din ng pollution ang mga lumang sasakyan. At ang matindi pa, nagdudulot ng panganib sa kapwa motorista at pedestrians. Huwag nang irehistro ang mga bulok!
- Latest