Tensiyon sa Middle East
BINABANTAYAN ng Pilipinas, pati na rin ng buong mundo, ang mga kaganapan ngayon sa Middle East, partikular ang tensiyon sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran. Bunsod ito ng pagbitay sa 47 tao sa Saudi Arabia, kasama ang isang kilalang Shiite na cleric, si Nimr al-Nimr. Kinondena ng Iran ang pagbitay kay Nimr, isang kilalang kritiko ng Saudi Arabia. Rumesponde ang mamamayan ng Iran sa pagsalakay sa embahada ng Saudi Arabia sa Tehran, Iran. Dahil dito, pinutol na ng Saudi Arabia ang kanilang relasyon sa Iran, at pinayuhan ang mga tauhan ng embahada ng Iran sa Riyadh na umalis na ng kanilang bansa. Pinatigil na rin ng Saudi Arabia ang mga lipad sa pagitan ng dalawang bansa. Sumunod ang UAE at Bahrain sa mga kilos ng Saudi Arabia. Pati Somalia ay pumapanig sa kilos ng Saudi Arabia.
Matagal nang magkatunggali ang mga Sunni at Shiite na Muslim. Bukod sa mga partidong pulitika, may mga armadong puwersa rin ang dalawang denominasyon. Kaya magkatunggali ang dalawang makapangyarihang bansa sa Middle East. Ang kasalukuyang gulo sa Syria at Yemen ay may suporta sa mga magkalaban na puwersa mula sa dalawang bansa. At tandaan, parehong mayaman sa langis ang dalawang bansa.
Agad ngang naapektuhan ang presyo ng langis sa merkado dahil sa tensiyon. Tumaas ang presyo kumpara sa pagbagsak nito sa mga nakaraang buwan. At kapag kumilos ang presyo ng langis, siguradong makukuha ang atensiyon ng buong mundo. Maraming bansa ang nananawagan na kumalma ang dalawang bansa, at ayusin sa pamamagitan ng diplomasya ang gusot. Ang Russia ay handa raw na mamagitan sa dalawang bansa. Pati ang China ay naglabas na rin ng pahayag na huminahon ang lahat, dahil halos lahat nang kanilang langis ay galing sa rehiyong ito.
Ang mangyayari ngayon sa rehiyon ay magkakampihan ang mga bansang magkapareho ng denominasyon. Ngayon pa lang ay may ilang karahasang nagaganap sa Saudi Arabia. Dapat lang bantayan ng gobyerno ang mga kaganapang ito at maraming mga Pilipino ang nagtatrabaho sa mga bansa sa Middles East. Baka maipit lang sila kung sakaling lumala ang sitwasyon.
- Latest