‘Anomalya sa MRT3’
HINDI yata naiintindihan ni DOTC Sec. Joseph Abaya ang ibig sabihin ng ‘emergency.’ Sa Tagalog, pagbibigay ng agarang-lunas o agarang pagbibigay ng solusyon sa problema.
Tungkol ito sa matagal nang sira, tumitirik at pupugak-pugak na MRT3. Kaya daw agarang in-award ng DOTC ang P3.81 bilyones na maintenance provider contract sa Busan Transportation Corporation kahit walang nangyaring public bidding dahil ‘emergency.’
Ang ginawa pang panangga ni Abaya, kailangan na raw bigyan ng maayos na mass transportation ang mga pobreng mananakay na matagal nang kalbaryo ang buhay sa mala-sardinas na mga bagon.
Kaya simula bukas, Enero 5, Busan na ang magmimentina sa nasabing tren kasama ang joint venture nitong apat na Filipino companies. Tatlong taon ang kontrata.
Marami ang kumukwestyun kung bakit nagresulta sa negotiated transaction ang P3.81 billion project.
Hindi matiyak kung sa pre-bidding process ang problema o sa mga nasa likod mismo ng pagsusubasta na matagal na ring kuwestyunable ang integridad.
Marami nang malalaking kontratista ang tumakbo sa Korte Suprema. Ang dahilan, duda sa mga bidding process ng DOTC sa mga malalaki at milyones na kontrata sa imprastruktura.
Lahat ito, nasa ilalim ni Abaya na sinasabing pinakama-anomalyang ahensya ng pamahalaan sa kasalukuyang administrasyon.
Pasko noong nakaraang taon in-award ang bilyones na proyekto sa Busan.
Sa malisyosong pagtingin sa isyu, sinadyang holiday season igawad ang kontrata kung kailan ang mga tao abala sa kabi-kabilang selebrasyon.
Dahilan ni Abaya, dalawang beses na raw kasing nagkaroon ng failed biddings sa MRT3 matapos hindi raw sumipot ang dalawang kalabang kompanya ng Busan.
Tatlong bagay lang kung bakit nagkakaroon ng failed bidding.
Una, walang gustong sumali sa bidding. Pangalawa, Hindi interesado ang mga kumpanya dahil low-cost ang proyekto. Pangatlo, may nangyari nang pag-uusap ang mga nasa likod ng bidding process kung sino ang kanilang papaboran.
Marami pang big ticket infrastructure projects na nasa ilalim ng DOTC ang kuwestyunable.
Matagal ko nang sinabi sa BITAG Live noong nakaraang taon, 59 ang inilatag na big ticket infrastructure projects ng Aquino administration o mga tulay, daan, airport, seaport kasama na ang mass transport. Subalit sa 59 na ito, 9 palang ang naia-award sa mga kontratista.
Sa siyam na proyekto, (3) tatlo pa lang ang nasisimulan habang ang (6) anim, may mga gusot pang inaayos sa korte o nireresolba pa lang ang mga isyung-legal.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest