Bagong Taon – Bagong Buhay?
A, Bagong Taon na kaya bagong buhay
Laging naririnig kapag dumaratal
Ganitong panahon at ganitong araw
Na ang lumang taon ating tinalikdan!
At nagbago na nga takbo ng panahon
Ang datihang ngayon isa nang kahapon
Ang oras ang araw matuling tumalon
Ang matandang taon naging bagong sanggol!
At ang taong 2015 naging taong 2016
Na inaasahang sa kanyang pagdating
Ay magbabago na hikahos na buhay natin
Nang marami mga kababayang giliw!
Nagbago na nga ba itong kalayaan
Nang marami nating mga kabataan
Sila ba’y wala na sa mga lansanga’t
Di na umiinom ng drogang kalaban?
Pero nagbago ba itong buhay natin?
Naging masagana ba ang mga bukirin?
Bakit ang istambay ay istambay pa rin
At lalong dumami ang walang gawain!
Anong pagbabago kaya ang nangyari
Gayong gumon pa rin sa bisyo si pare?
At ang mga ina’y tuloy sa ‘panggingge’
Nagsusugal pa rin babae’t lalaki!
Saka totoo bang sa mga pasyalan
Di na nakikita ang kabinataan?
Mga dalaginding at kadalagahan
Di na nagdi-date sa labas ng bahay?
Kung totoo ito’y ating masasabi
Na nagbago na nga buhay nang marami
At sa bagong taon ang s’yang naghari
Kabutihang asal – marangal na lahi!
- Latest