Malungkot na insidente
NAULAT na may namatay na siyam na taong gulang na batang babae dahil sa ligaw na bala. Naglalaro ang bata malapit sa may Ipo dam sa Norzagaray, Bulacan noong Pasko. Natural na maraming nagalit muli sa insidente, dahil may namatay na naman dahil sa walang saysay na pagpapaputok ng baril. Pero may bagong nadiskubre ang mga otoridad sa kasong ito.
Napansin ng mga nag-iimbestiga na nagkakasalungatan ang kanilang mga pahayag hinggil sa pangyayari. Sa kinalaunan, nalaman na aksidenteng nabaril ang batang babae ng baril ng kanyang kapatid. Ang lalaking kapatid ay miyembro ng Bantay Gubat. Matapos ang kanyang pagronda, isinandal ang kanyang baril sa dingding. Pero natabig umano ang baril at pumutok, kaya tinamaan ang kapatid na babae na naglalaro sa labas ng tahanan. Napansin ang sugat ng bata pero hindi inisip na tama na pala ng bala dahil maliit umano ang butas. Kalibre 22 ang baril ng kapatid. Patunay na walang maliit na kalibre pagdating sa baril. Lahat ay nakakamatay.
Itinapon ang baril sa ilog at nilinlang ng buong pamilya ang mga imbestigador para hindi mapahamak ang kapatid na lalaki. Pero nakonsensiya umano ang lalaki at kusang sumuko sa mga otoridad. Nasa kamay na ng mga otoridad kung ano ang gagawin sa kanya. Pero ganun pa man, kahit umamin at aksidente, may pananagutan pa rin. Sa tingin ko ang mas mabigat na kaso ay ang tangkang pagtakpan ang tunay na nangyari. Paano kung may ibang suspek na nahuli ang mga otoridad, na sa totoo ay wala namang kasalanan?
Ito ang mahirap kapag walang pormal na pagsasanay ang mga pinahahawak ng baril. Ayon sa mga kilala kong mahihilig sa baril, may apat na “batas” na dapat isaulo, at isabuhay hinggil sa pag-aari ng baril. Isa rito ay ang pagtrato na laging may lamang bala ang baril, kaya dapat laging mag-ingat. Ang dapat ginawa ay siniguradong wala nang lamang bala ang baril bago pa pumasok ng tahanan. Dapat walang laman ang “tubo”, ika nga. Dapat ay hindi lang isinandal sa dingding, kundi inilagay sa ligtas na lugar. Marami talaga ang hindi marunong humawak at mag-ingat sa pag-aari ng baril. Ang problema sa kultura natin, ang mahalaga lamang ay may baril. At dahil diyan,mga ganitong klaseng aksidente ang nangyayari. Malungkot, kalunus-lunos. At ang masama, bata na naman ang biktima.
- Latest