Modernisasyon ng pamatay sunog
HINDI lamang tuwing Marso na Fire Prevention Month naitatala ang mataas na bilang ng mga kaso ng sunog sa bansa, kundi pati na rin kung Disyembre. Ayon sa mga eksperto, kung Marso ay may nangyayaring walo hanggang siyam na kaso ng sunog kada araw sa Metro Manila, sa Disyembre ay mayroong apat hanggang limang kaso. Bagama’t ang marami rito ay hindi naman kumakalat at lumalaki. Partikular na mataas ang insidente ng sunog kung Disyembre 24, 25, 30, 31 at Enero 1.
Ang mga itinuturong dahilan ay ang mga napabayaang paputok, may sinding kandila, nakaligtaang appliances na nakasaksak at buhol-buhol na ilegal na kawad ng mga elektrisidad. Kaya naman maraming pamilya na nagdiriwang ng Bagong Taon ang nasusunugan at walang matuluyan.
Bukod sa pag-iingat ng mga mamamayan sa pag-iwas sa sunog, mahalagang mabigyan din ng sapat na kagamitan ang mga bumbero upang mabilis na makatugon sa mga nasunugan.
Isang panukalang batas ang isinusulong ni Sen. Jinggoy Estrada para modernisasyon ng fire protection program.
Sa Senate Bill 1542, isinusulong ang pagtatatag ng fire protection services sa lahat nang local government units na wala pa nito, gayundin ang pag-upgrade ng mga fire protection equipment. Bukod dito, iminumungkahi rin ang pagkakaroon ng specialized fire protection unit sa Bureau of Fire Protection (BFP) para sa pag-apula ng apoy sa mga high-rise buildings, kagubatan o forest fires, aircraft/airport fires, ship fires, and chemical fires, at iba pang emergency cases. Isinusulong din nito ang pagtatayo ng training facilities, kabilang na ang pagkuha ng mga internationally-accredited training consultants and experts para sa personnel development program ng BFP.
Isang provident fund din ang bubuuin para lamang sa retirement, disability at death benefits ng mga magigiting na bumbero at scholarship para sa kanilang mga anak.
- Latest