EDITORYAL - Sa kabila ng mga trahedya nananatili ang pag-asa
SA survey ng Social Weather Stations (SWS), 93 percent ng mga Pilipino ay naniniwalang magkakaroon sila nang magandang buhay sa papasok na 2016. Punumpuno sila nang pag-asa na matutupad ang kanilang pangarap at magiging maligaya. Pitong porsiyento lamang ang nagsabi na wala silang nakikitang pag-asa at patuloy pa rin ang kanilang paghihirap at pagdurusa.
Sa lahat nang survey ng SWS, ngayon lamang dumami ang mga nagsabing magiging maganda ang kanilang buhay sa darating na taon. Ibig sabihin, marami ang positibo na makakamtan ang kanilang mga mithiin sa buhay. Marami na ang nagwaksi ng mga negatibong pananaw at nanaig ang mataas na pag-asa para sa susunod na taon.
Halos ganito rin naman ang kinalabasan ng survey ng Pulse Asia na ginawa noong Disyembre 4-11, kung saan 89 percent ng mga Pilipino ay nananatiling mataas ang pag-asa sa pagpasok ng 2016. Naniniwala rin sila na magkakaroon nang malaking pagbabago sa kanilang buhay sa susunod na taon at makakamit ang kanilang mga inaasam. Punumpuno sila ng pag-asa na makaaahon sa kahirapan ng buhay. Ngayon din lang nagkaroon ng survey ang Pulse Asia na mataas ang porsiyento ng mga naniniwalang maganda ang kanilang hinaharap sa 2016.
Maraming nangyaring trahedya sa bansa ngayong 2015. Unang-una na ay ang Mamasapano massacre noong Enero 25 kung saan 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) ang brutal na pinatay ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF). Humihingi ng hustisya ang mga naulila ng SAF 44. Magkaganun pa man, malaki pa rin ang kanilang pag-asa na makakamit ang hustisya.
Sunud-sunod na bagyo ang nanalasa sa bansa. Sinalanta kamakailan ng Bagyong Nona ang Northern Samar, Bicol region, Oriental Mindoro, Romblon, Nueva Ecija at Pampanga. Mahigit 30 ang namatay at maraming nawasak na bahay at ari-arian. Hanggang sa kasalukuyan, wala pang kuryente sa Pinamalayan, Oriental Mindoro (pinakagrabeng tinamaan ni Nona) at hiling ng mga residente, madaliin sana ang pagbabalik ng power doon.
Maraming trahedyang nalasap nitong 2015 subalit nananatili pa ring nakangiti ang nakararami at punumpuno ng pag-asa na sasalubungin ang biyaya ng 2016.
- Latest