Kay Binay ang pakinabang
TULUYAN nang diniskuwalipika ng COMELEC si presidential aspirant Grace Poe sa presidential race sa May 2016. But hope springs eternal. Mayroon pang tsansa na mabaliktad ang diskuwalipikasyon kung aayon sa kanya ang Kataastaasang Hukuman. Harinawa. Kailangang magpalabas ng TRO ang SC sa loob ng limang araw at kung hindi, buburahin ang pangalan ni Poe sa balota ayon kay COMELEC chair Bautista. Pero ano ba ito!!! Pasko na, paano pa makagagalaw ang SC!! Sinadya yata ito ah!
Kasali pa rin sa mga survey si Poe. Sa Social Weather Station at Business World survey, lumilitaw na “statistical tie” sina Poe at VP Jojo Binay. Kapwa sila mayroong 26 porsyento. Pero sa bagong survey ng Pulse Asia, nagbalik sa number one position si Vice President Jojo Binay (33 percent). Pumangalawa si Digong Duterte (23 percent) at pumangatlo na lamang si Poe (21 percent). Ginawa ang survey matapos ang kontrobersyal na pagmumura ni Duterte kay Pope Francis. Hindi ko matiyak kung alin sa dalawang survey ang more accurate pero kung totoong bumaba ang rating ni Poe, obvious ang dahilan.
Marami ang nag-aakala na laglag na sa labanan si Poe, pati na yung mga sumusuporta sa kanya. Pero ang kawawa ay si Liberal Party Bet Mar Roxas na nasa pangatlong puwesto (17 percent) at ang kulelat ay si Miriam Santiago (4 percent). Anang isang Pulse Asia official, may mga tinanong na nagsabing iboboto sana nila si Grace pero disqualified na. Bawal naman daw na itama ng nagtatanong ang inaakalang ito ng mga taong tinatanong.
Maraming political analysts ang naniniwala na kung tuluyang madidiskuwalipika si Grace Poe kasama si Duterte na nahaharap din sa diskuwalipikasyon, ang pinakamalaking pakinabang ay para kay Binay. Dati na kasing may malakas na support base si Binay pero bumagsak ang rating nang nagsulputan ang sandamakmak na graft charges laban sa kanya. Pero matagal-tagal na tayong walang naririnig tungkol sa mga kasong ito. Kaya marahil umangat na naman siya.Pero halos kalahating taon pa bago ang eleksyon kaya marami pang surpresang bubulaga sa atin. Sana, ipagkaloob ng Diyos sa atin ang pinaka-karapatdapat. Sana ibigay ang gracia.
- Latest