Ano ngayon ang gagawin ng China?
ETO na naman ang China. Una silang nagreklamo sa gagawing pagbenta ng armas ng Amerika sa Taiwan. Dinemanda ng China na ibasura ang planong pagbenta sa Taiwan, kung hindi ay maaapektuhan ang anumang relasyon ng China at Amerika. Pero siguradong matutuloy ang pagbenta sa Taiwan. Matagal nang kaalyado ng Amerika ang Taiwan.
Noong Disyembre 10 naman, dalawang B-52 bombers ang lumipad sa South China Sea. Ang isang eroplano ay lumipad malapit sa isa sa mga islang inaangkin ng China. May “twelve nautical mile rule” na sinusundan ng lahat na naglilinya ng teritoryo na sakop ng isang bansa. Pumasok daw ang B-52 sa loob ng lugar na ito, kaya inalerto umano ng China ang kanilang mga puwersa. Ayon sa pahayag ng Amerika, iimbistigahan nila ang insidente dahil wala daw silang plano lumipad sa loob ng teritoryo ninuman. Ang kanilang ginagawa ay mga karaniwang lipad sa malayang himpapawaid, na siya namang sinisigurado. Inakusahan ng China ang Amerika ng “seryosong paghahamon” sa kanilang teritoryo.
Pero hindi naman kinikilala ng karamihan ng mundo ang pag-aangkin ng China sa mga isla sa karagatan. Sa totoo nga, binabatikos ang kanilang pagpalaki ng mga isla at pagtayo ng mga istruktura na malinaw na magagamit ng kanilang militar. Kaya bakit pa kailangang mag-imbestiga ng Amerika, kung sinisigurado lang nila ang mapayapang paglayag sa nasabing karagatan at himpapawid? Kung hindi naman pala kinikilala ang teritoryo, ano pa ang kailangang ipaliwanag? Mas masahol naman ang pag-angkin ng China sa mga isla, na tinayuan pa ng mga malalaking istraktura, habang dinidinig pa ng UN ang ating reklamo sa nasabing isyu.
Hindi talaga makuha ng China na iligal ang kanilang ginawa sa karagatan. Pati ang Australia ay nagsisigawa na rin ng mga lipad sa karagatan, para nga siguraduhin ang kalayaan sa rehiyon. Masuring inaantabayanan din ng mga bansang may kani-kanilang pag-aangkin sa Spratlys ang kasong inangat ng Pilipinas sa UN. Kung maging pabor sa bansa ang desisyon, siguradong susunod na rin sila sa kilos ng Pilipinas. Ano naman kaya ang gagawin ng China? Kikilos na ba sila ng marahas, dahil matatalo sila sa korte?
- Latest