Negatibong kampanya gawi ng mabababaw
MARAMING humusga. Mas nasira umano si Mar Roxas kaysa Rodrigo Duterte nang maghamunan sila ng sampalan, suntukan, barilan nu’ng nakaraang linggo. Ito’y dahil pumapapel daw na may pinag-aralan si Roxas, pero nagpakababa siya nang patulan ang lantarang astang-sanggano na Duterte. Pinagsabihan tuloy sila ni ex-President Fidel V. Ramos: “Kung hangad ninyo maging Presidente, umasta kayong Presidente. Lalo na’t baka ikumpara kayo sa mga dating Presidente ng Pilipinas at iba pang world leaders.”
Sapol si Roxas du’n. Dating Pangulo ang lolo niya’t kapangalang Manuel Roxas. Ang kaibhan nga lang ay may dignidad sa kilos at salita ang matanda, habang palalo, plastik, at mababaw ang dating ng bata.
Si Roxas ang nagsimula ng away. Ito’y nang ungkatin niya, bilang dating Secretary of Interior and Local Governments, na guniguni lang na mababa ang krimen sa Davao City kung saan siga-sigang mayor si Duterte. Sa totoo, aniya, pang-apat na siyudad ito sa kriminalidad. Sa inis, itinatwa ni Duterte na graduate si Roxas ng prestihiyosong Wharton School. Hayun, nag-away na sila na parang mga batang supot.
Kung tama ang statistics ni Roxas sa Davao, bakit ngayon lang niya ito nilabas. Bakit hindi niya sinita si Duterte nu’ng SILG pa siya?
Simple ang sagot. Ang estilo ni Roxas ay negative campaigning. Doon siya umaasa na umangat mula pagka-kulelat sa lahat ng surveys ng “presidentiables”. Sa negative campaigning, sinisiraan ng kandidato ang kalaban para iangat ang sarili. Ito’y dahil wala siyang mabigat na kaalaman, kakayahan, at karanasan.
Parang matsing, ginagaya lang ni Roxas ang negative campaigning na estilo ng amo na si Noynoy Aquino. Aba’y pati sa harap ng overseas Filipinos sa Italy at business leaders sa Kamaynilaan ay sinisiraan ng Presidente ng Republika ang apat na katunggali ni Roxas. Ito’y paghahati-hati imbis na pag-iisa ng bansa.
- Latest