‘Mga makabuluhang pagbabago sa Maynila’
ANG Maynila ang pinaka-mahalagang siyudad sa ating bansa. Ito ang kapitolyong lungsod ng Pilipinas. Narito ang Palasyo ng Malakanyang, ang pinakamakapangyarihang tanggapan ng bansa. Dito nagtatagpo ang mayamang kasaysayan at kultura ng bansa at ang sentro ng modernisasyon at komersiyo.
Maaari nating sabihin na ang kalagayan ng Maynila ang sumasalamin sa kalagayan at pag-unlad ng bansa. Sa nakalipas na dalawang taong panunungkulan ni Mayor Joseph “Erap” Estrada, maraming makabuluhang pagbabago ang nangyari sa Maynila.
Una na rito ay ang pagsasaayos ng financial standing ng Maynila. Kung dati ay bankarote at lubog sa utang ang Maynila –tumataginting na P3.5 bilyon ang iniwang pagkakautang ng nakaraang administrasyon at nag-iwan lamang ng P235 milyon na kulang pang pampasuweldo sa mga empleyado ng City Hall – ngayon ay may sapat na itong pondo upang ipangtustos sa mga serbisyo publiko.
Kabi-kabila na ang pagtatayo ng mga gusali sa Maynila, karamihan ay mga school buildings para sa mga mag-aaral, pagsasaayos ng mga kalsada at mga anti-flood infrastructure, pagpapaganda ng mga pagamutan at klinika, at marami pang proyekto ng engineering department.
Ang pondong nalikom mula sa maayos na koleksyon ng buwis at pagbalangkas ng tamang buwis sang-ayon sa direktiba ng Department of Finance, ang siya na ngayong ibinayad sa lahat ng pagkakautang (nag-iwan din ng utang sa nagsusuplay ng kuryente at tubig!), at ibinabahagi na bilang mga benepisyo at ayuda sa mga pulis, barangay officials at mga empleyado katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay serbisyo sa mga Manilenyo.
Gayundin, ibinuhos ang pondong ito sa mga barangay. Para sa 2015, doble ang naibahaging pondo para sa halos 900 barangay kumpara sa pondo na naipamahagi noong nakaraang taon. Umabot sa P1.95 bilyon ang naipamahagi na nagamit naman ng barangay sa paglaban sa kriminalidad, paglalagay ng CCTV at mga street lights, pagbili ng gamot para sa mga barangay centers, at maging pagbili ng mobile patrol.
Bukod dito, nagkaroon na rin ng higit na kahandaan ang lungsod dahil sa pagbubukas ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office na nangunguna sa paghahanda hinggil sa anumang kalamidad, gaya ng baha at lindol. Kung dati ay walang anumang paghahanda ang lungsod at base sa pagtaya ay marami ang masasawi dahil dito, ngayon ay nakalatag at organisado na ang mga polisiya at mga makabagong kagamitan upang mabilis na makaresponde sa panahon ng kalamidad.
- Latest