EDITORYAL - Samsamin ang mga baril
MARAMING loose firearms sa bansa. At walang kakayahan ang awtoridad na kumpiskahin lahat ang mga ito. Dahil sa dami ng mga di-lisensiyadong baril, karaniwang ang mga ito ang ginagamit ng riding-in-tandem, holdaper, kidnapper at iba pang masasamang-loob. Maski sa New Bilibid Prisons (NBP) ay sandamukal ang mga baril na hanggang ngayon ay hindi pa malaman kung paano naipasok. Bukod sa mga baril, maraming bala rin ang nakuha sa NBP. Walang patlang ang pag-raid sa mga dormitoryo sa NBP pero marami pa ring nakukumpiska.
Nakakatakot na maglalabasan pa ang mga baril ngayong panahon ng eleksiyon. Gagamitin sila ng mga private armed groups (PAGs). Noon pa namamayagpag ang mga PAGs at hindi sila mabuwag-buwag ng mga awtoridad. Naghahari sila sa panahong ito at naghahatid naman ng pangamba sa mamamayan.
Matiwasay na eleksiyon ang hinahangad ng mamamayan at hindi na nila nais bumalik ang bansa sa panahong ang mga makapangyarihang pulitiko ang maghari sa panahon ng eleksiyon. Tama na ang mga nangyari noong dekada 70 at 80 na nagpapatayan ang bawat kampo ng mga magkakalabang pulitiko sa pagnanais na sila ang mamayani sa lugar. Sa kagustuhang manalo, nag-aarmas ang mga pulitiko para takutin ang mga botante at para na rin paghandaan ang kalaban.
Ilang buwan na ang nakararaan, ipinag-utos ni President Noynoy Aquino ang paglansag sa PAGs. Nais umano niya na masiguro ang malinis at matiwasay na election sa susunod na taon. Ang kampanya laban sa PAGs ang mabisang paraan para maging malinis ang election. Kung malalansag ang PAGs, makatitiyak ang mamamayan na walang kaguluhan saan mang dako ng bansa.
Subalit balewala ang utos ng Presidente sapagkat hindi nagsasagawa ang pulisya nang pagsamsam sa mga baril gayung ilang buwan na lamang at mag-eeleksiyon na. Kung puspusan ang kampanya laban sa mga di-lisensiyadong baril, tiyak na marami ang masasamsam.
Isang paraan para malansag ang PAGs ay ang pag-reshuffle sa mga pulis na nagiging “bata-bata” ng mga pulitiko. Ilipat ang mga pulis para hindi magamit ng mga pulitiko.
- Latest