Abaya hanggang ‘sorry’ lang sa trapik
KUNG isa sa milyun-milyong manggagawa o estud-yante, commuter o motorista na naiipit sa araw-araw na trapik sa mga siyudad ngayong Kapaskuhan, malamang minumura mo si Transport Sec. Joseph Abaya. At kung nakamamatay ang pagmumura mo, malamang matagal na itong nailibing at naagnas.
Aba’y ang dating isang oras na trapik sa Kamaynilaan ay tatlong oras na ngayon. Hindi nalalayo ang sitwasyon sa Baguio, San Fernando, Dagupan, Angeles, San Pablo, Lipa, Cebu, Bacolod, at Cagayan de Oro.
Walang naidagdag na transportation infrastructures si Abaya. Sa halip, nabawasan pa ang biyahe at bagon ng LRT-1, LRT-2, MRT-3, at Philippine National Railway, na pamalit sana ng mga kotse at jitney sa daan. Resulta: pati highways nagiging matrapik.
Lumala rin ang runway congestion sa Manila International Airport. Imbis na makalipad at makalapag ang mga eroplano sa takdang oras, napipilitan maghintay nang isang oras sa runway, o umikot nang kalahating oras sa himpapawid ng NAIA. Naaantala tuloy lahat nang karugtong na flights sa iba pang siyudad sa buong bansa.
Ni hindi naman tumitiwasay ang kalagayan ng pasaheros sa airports. Kung hindi sira ang kubeta ay bulok ang air-conditioner. Nangangamba pa ang mga nasa NAIA na mabiktima ng “tanim-bala” extortion racket.
Samantala matindi rin ang raket sa roll on-roll off ports. Walang nagsusukli sa ibinabayad na pasahe o paradahan sa barko. Kesyo ubos daw ang barya o wala pa ang kahera. Bulok naman ang mga pasilidad, serbisyo, at barko. Walang proteksiyon ang mga biyahero.
Sa kabila ng lahat nito, ang masasabi lang ni Abaya “sorry.” Aba’y hindi pag-sorry ang nais ng madla mula kay Abaya, kundi, “supi!”
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest