EDITORYAL - Itigil, mga paghuhukay at reblocking
PATINDI pa nang patindi ang nararanasang trapik sa Metro Manila. Noong Linggo at kahapon, nagdusa na naman ang mga pasahero at motorista sapagkat halos walang galawan ang mga sasakyan sa EDSA, Quezon Avenue, North EDSA, Balintawak, C3, C5, Taft Avenue, Roxas Boulevard, Buendia, at mga kalsada sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Mas matindi ang trapik sa EDSA na nagmistulang parking lot na sa dami ng sasakyang hindi umuusad. Mula North EDSA hanggang Makati ay inaabot na ng tatlong oras. Dati dalawang oras lamang ang travel time pero ngayon ay humaba na. Walang magawa ang mga pasahero kundi ang mapabuntunghininga sa tagal nang kanilang biyahe. Naubos na ang kanilang oras sa trapik.
Habang palubha nang palubha ang trapik, hindi naman nagkakaroon ng koordinasyon ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Highway Patrol Group sa pagsasaayos ng trapiko. May mga inaalis na U-Turn slot at may inilalagay na traffic light ang MMDA pero hindi nalalaman ng HPG. Ang resulta, pagkakabuhul-buhol ng trapiko. Magkaroon sana ng malinaw na koordinasyon ang dalawang traffic group para hindi magdusa ang publiko. Sobra na ang pagdurusa sa araw-araw na trapik.
Kahapon, ipinagbawal na ng MMDA ang lahat nang mga paghuhukay, pagsasaayos at anupamang road projects sa Metro Manila. Ito ang nakitang solusyon sa matinding trapik. Tatagal ang pagbabawal sa road projects hanggang Enero 3, 2016. Bawal na rin ang pagkukumpuni ng mga drainage na halos lahat ay proyekto ng DPWH.
Dapat namang nilinaw ng MMDA kung bawal ang mga paghuhukay ng dalawang water companies na nagpapasikip sa trapiko. Nakikipagsabayan ang mga kompanya ng tubig sa DPWH kaya lalong sumisikip ang trapiko.
Ipagpatuloy naman ng MMDA ang pagwasak sa mga nakaharang sa kalsada. Alisin ang basketball court, car wash, karinderya at marami pang iba.
- Latest