EDITORYAL - Kailan makakamit ang hustisya?
ANIM na taon na ang nakararaan mula nang maganap ang karumal-dumal na Maguindanao massacre na ikinamatay ng 58 katao na kinabibilangan ng mga mamamahayag. At sa haba ng panahong iyon, wala pang gaanong nakikitang liwanag sa kaso. Labis na ang pagkauhaw ng mga kaanak ng biktima sa hinahangad na hustisya at paulit-ulit ang kanilang katanungan kung kailan makakamtan ang hustisya.
Hindi naman nakatighaw sa kanila ang ginawang pagsibak ng National Police Commission (Napolcom) sa 21 pulis na sangkot sa masaker. May kabuuang 62 pulis ang napaulat na sangkot sa masaker noong Nob. 23, 2009 at 11 na sa mga ito ang sinuspende, 21 ang napatunayang walang kinalaman sa kaso at siyam naman ang nadismis ang complaint dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon ng Napolcom. Ganunman, kahit mayroon nang mga sinibak na pulis, meron pa rin silang karapatang humingi ng reconsideration mula sa Napolcom. At ang ganito ay lalo namang nagbigay ng pangamba sa mga kaanak ng biktima sapagkat baka abutin pa uli ng anim na taon o mas matagal pa ang pagpapasya ng Napolcom kaugnay sa mga inaakusahang pulis.
Umaabot sa 100 katao ang nililitis kaugnay sa masaker na pinangungunahan ng pamilya Ampatuan. Si Andal Ampatuan Sr. kasama ang kanyang mga anak na si Andal Jr at Zaldy ang mga pangunahing suspect. Namatay noong Hulyo dahil sa cancer si Ampatuan Sr. Walang piyansa ang mga suspect at kasalukuyang nakakulong.
Maraming naiinip sa resolusyon ng kaso. Maski si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ay nagsabi noong nakaraang Agosto na napakabagal nang paggalaw ng kaso. Ganunman, umaasa siya na matatapos ang kaso bago matapos ang taon.
Nangako naman si President Noynoy Aquino noon na bago siya bumaba sa puwesto sa susunod na taon ay magkakaroon na raw ng convictions ang kaso.
Sana nga magkaroon ng katotohanan ang mga sinabi nina Sereno at P-Noy na magkakaroon na ng desisyon ang karumal-dumal na kaso. Tapusin na ang pagkauhaw sa hustisya ng mga kaanak ng biktima.
- Latest