Independent ba ang Comelec?
IYAN ang sinasabi ng Malacañang at Liberal Party kaugnay ng isyu sa diskuwalipikasyon ng independent presidential candidate Grace Poe. Pero magsuri tayo.
Matapos siguruhin ni Palace spokesman Edwin Lacierda na hindi puwedeng impluwensyahan ang Comelec sa mga desisyon nito, may ibinunyag naman ang pinagkakatiwalaan at batikang kolumnistang si Teddy Boy Locsin. Ang pagbubunyag na ito ay taliwas sa ipinamamarali ng Palasyo at ng Liberal Party.
Si Locsin ay isang dating congressman ng Makati at speechwriter ni dating Presidente Corazon Aquino na ina ni Presidente Noynoy Aquino. Malalim ang kanyang nalalaman. Heto ang sinabi ni Teddy-Boy sa kanyang tweeter account noong Lunes. Aniya, si Comelec Chairman Andres Bautista ay minsang nagsilbi bilang adviser ni LP presidential bet Mar Roxas nang ang huli ay kumakampanya pa sa pagka-senador sampung taon na ang nakalilipas.
Sabi ng isang kapitbahay ko sa aming huntahan, tila may mga tao sa kampo ni Roxas na gumagalaw ng puspusan para pawiin sa isip ng taumbayan ang ano mang suspetsa na dinudurog si Grace Poe. Sabi ng kapitbahay ko, salamat kay Teddy-Boy at ibinunyag niya ang madilim na sikretong ito sa relasyon ni Mar kay Bautista.
Sa harap ng ganitong pagbubunyag ng isang taong mataas ang kredibilidad, paano pang makukumbinsi ng Palasyo at ng LP ang taumbayan na ang Comelec ay indipindiyente at hindi maaaring paikutin o impluwensyahan partikular sa kaso ng diskuwalipikasyon kay Poe?
Hindi ko sinasabing conclusive ang ganitong suspetsa, pero hindi ba magiging kadudaduda ang panunungkulan ni Bautista sa Comelec lalu pa’t may dinidisisyunan ang poll body na kaso laban sa katunggali ni Roxas na kaibigan ng Comelec chair?
Sabagay, kung mabigo si Poe sa Comelec (sana hindi) mayroon pa namang Kataastaasang Korte na inaasahang magdedesisyon ng wasto at walang halong pulitika.
- Latest