EDITORYAL - Rebisahin ang Visiting Forces Agreement
MARAMING kuwestiyon sa Visiting Forces Agreement (VFA) na inaprubahan ng Senado noong Mayo 27, 2009. Isa na rito ay ang probisyon na ang sinumang sundalong Amerikano na makakagawa ng krimen habang nasa Pilipinas ay mananatili sa kustodiya ng embahada ng United States. Hindi puwedeng galawin ang sundalong Kano. Laging may pakialam ang US kapag na-kagawa ng krimen ang kanilang sundalo habang nasa bansa. At ito na ang nakikita ngayon sa kaso ni Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na hinatulan noong nakaraang linggo ng Olongapo City-RTC dahil sa pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude noong Oktubre 11, 2014.
Hinatulang mabilanggo ng 6-12 taon si Pemberton at dapat ay sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa ito ikulong. Pero hindi ito nangyari dahil sa Camp Aguinaldo siya dinala makaraang hatulan. Sa dating kulungan niya (isang air-conditioned container van) siya nananatili habang ginagawa ang jailhouse na extention umano ng Bilibid sa Aguinaldo. Mga guwardiya mula sa NBP ang nagbabantay kay Pemberton pero meron ding counterpart na mga sundalong Kano.
Bagamat nahatulan, hindi pa rin lubos na matanggap ng pamilya ng biktima ang tinatamasang kaluwagan ni Pemberton. Mapait anila ang tagumpay sapagkat inaasahan nila sa NBP idide-retso si Pemberton at hindi sa Camp Aguinaldo. Nakikita anila na nasa likod ng akusado ang US at minamaniobra na huwag itong maging kawawa sa kabila na nakapatay ito.
Ang mga nangyayaring ito ay dahil sa probisyon sa pinagkasunduang VFA. Nararapat rebisahin ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US. At nararapat lamang na ang mga Senador ang magkaroon ng sigasig sa pagrebyu sa kasunduan. Masyadong agrabyado ang mga Pilipino sa VFA. Saan naman nakakita na nakapatay na ang sundalong Kano ay pinuprotektahan pa rin. Kung Pilipinong sundalo kaya ang makapatay habang nasa US, ano kaya ang mangyayari sa kanya?
- Latest