Self-destructing Digong Duterte
HUWAG na kasing pilitin ang ayaw. Ngayon ako naniniwala na talagang ayaw maging Presidente ng Pilipinas si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Tingin ko, napilitan lang siyang magdeklara ng kandidatura sa pagka-pangulo sa kapipilit ng mga taong gusto siyang tumakbo. Hindi nga ba paulit-ulit na niyang sinabing ayaw niyang maging Pangulo dahil maraming maliligpit na kriminal na magiging bitamina ng mga isda sa karagatan?
Never na sinabi niyang gusto niyang maging Pangulo dahil darami raw ang mga punerarya sa bansa. Kaso pilit nang pilit pa rin ang mga followers niya at supporters na sumabak siya sa presidential race.
Pero sa palagay ko, mabigat pa rin sa kalooban ni Mayor Duterte na maging presidente kaya patuloy niyang sinisiraan ang kanyang sarili para tabangan sa kanya ang taumbayan, kahit opisyal na siyang iprinoklama ng kanyang partidong PDP-LABAN.
Matapos ang kanyang pagkakadeklara, tahasang inihayag ni Duterte ang kanyang pagkairita sa matinding trapik sa Metro Manila. Minsan daw, nagtanong siya kung bakit mabagal ang trapik at ang sagot sa kanya ay “dumating si Pope Francis.” Sukat ba namang sabihin ni Duterte na “gusto kong tawagan ang Pope para sabihing Pope, P---Ina mo! Huwag ka nang bumisita rito.” Marami ang bumatikos kay Duterte pero in fairness, dinidimolis niya ang kanyang sarili. So, ayaw talaga niya na maging presidente pero pinagbigyan lang niya ang mga taong gusto siyang tumakbo.
Kung nagkakamali ako ng reading sa Davao Mayor, aba, siguro si Meyor ang may malaking pagkakamali na pati ang isang dignitaryong head of state ay mumurahin niya. Huwag nang tingnan ang pagka-leader ni Pope Francis ng Iglesia Katolika. Ikonsidera na lang ang pagiging leader ng isang estado ng Papa.
Medyo dismayado naman ako sa aking brother in faith na si Sen. Alan Peter Cayetano. Nakuha pa niyang ipagtanggol si Duterte sa pagsasabing ang gobyerno ang binibira ng kanyang pangulo at hindi ang Papa gayung napakalinaw nang direktang patama ni Duterte sa Papa. Naaawa rin ako kay Cayetano dahil pinalilitaw ni Duterte na si Cayetano lang naman ang dikit nang dikit sa kanya at hindi naman siya mainit na kunin ang Senador na kanyang running mate. Brod, wake up, wake up, wake up!
- Latest