Huling silip
IPINATUPAD na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang paglagay ng mga “last check booths” o huling silip sa NAIA. Dito matatanggal ng mga pasahero ang anumang bagay na bawal dalhin sa eroplano, tulad ng mga bala, baril, iligal na droga at ano pang mga bawal na gamit. Tinayo ang mga ito para may pagkakataon ang mga pasahero na inspeksyunin ang kanilang mga bagahe kung may mga bagay na bawal. Bunga ito ng “tanim-bala scam” na matagal na palang laganap sa NAIA, pero ngayon lang nababalitaan sa media. Kung sakaling may mga bawal na gamit sa bagahe, natanim man o hindi, ang kailangan lang ay iwanan sa mga lalagyan. Hindi kakasuhan ang mga pasahero o isasailalim sa interogasyon.
Pero bakit hindi inilagay ang mga “last check booths” na ito bago pumasok ng pre-departure area, kung saan madalas nadidiskublre ang mga bala? Kadalasan ay walang nakikitang bala sa screening pagpasok ng NAIA. Pero kapag papasok na sa pre-departure area at isasailalim muli ang bagahe sa x-ray, dito na nakikita ang mga bala. Tila patunay sa pahayag ng mga lumantad na dating empleyado ng OTS na nagaganap ang pagtanim ng bala sa loob mismo ng airport, kung saan marami nang tao. Mga tunay na pasahero na lang ang nakakapasok sa pre-departure area dahil hinahanapan ng boarding pass. Maliban na lang kung binibigyan rin ng pekeng boarding pass ang mga nagtatanim ng mga bala para makahanap ng biktima.
Kung malayo pa sa pre-departure area ang mga booths na ito, may pagkakataon pa ang mga kawatan na magtanim ng mga bala sa mga biktimang napipilian. Dapat ilagay ang mga “last check booths” bago pumasok sa pre-departure area, kung talagang gustong makatulong ang MIAA sa mga pasahero. Dapat patuparin na rin ang panukala na dapat kunan ng video at audio ang pag-interogasyon ng mga pasaherong nahanapan ng mga bala, at dapat may abogado na ring kasama, para walang nagaganap na pangingikil. Kung nasa NAIA ang Public Attorney’s Office, mabuti ito para sa mga pasahero. Dapat noon pa ginawa ang mga iyan. Kung nagsalita lang sana kaagad ang mga nauna nang nabiktima ng mga kriminal sa NAIA.
At para sa mga matitigas ang ulo na pilit nagdadala ng mga bala dahil anting-anting, gamitin naman ang mga ulo nila. Kung napakalaking isyu na ng “tanim-bala” sa NAIA, bakit magdadala pa rin ng bala?
- Latest