‘Trapo-style politics’
NANANAWA na ang taumbayan sa estilo ng mga “trapo” sa gobyerno.
Dismayado na sa kanilang mga nakikita. Sa mga sinasabi ng mga nakaupo na hindi naman tumutugma sa kanilang mga ginagawa, resulta at kinahinatnan ng kanilang mga pinaggagawa.
Naturingang mga lider pero wala namang katangian ng pagiging lider. Marami ang mga kapalmuks. Masyadong papogi. Gusto lagi ng popularidad. Malapit na talaga ang eleksyon.
Sa halip na result-oriented, sangkaterbang mga performance-conscious at accomplishment conscious. Ang kanilang paniwala, lahat ng anumang nagawa nila, dapat ipangalandakan, ipaalam at ipabalita.
Maliit man o malaking proyekto o programa ng gobyerno lalo na kapag matagumpay gusto laging dikit sa kanilang pangalan.
Kanya-kanya silang listahan. Pahabaan ng accomplishment report na ipapasa sa kung sinumang nasa itaas nila kahit hindi naman nararamdaman at nakikita. Sawa na si Juan at Juana Dela Cruz sa ganitong “trapo-style politics”.
Kaya sa huling survey ng Pulse Asia biglang bulusok ang numero ng mama mula sa Davao. Pati mismong si Mayor Rudy Duterte hindi rin makapaniwala sa resulta ng presidentiables survey.
Isa lang ang kahulugan ng nakuhang 36% ni Duterte sa survey, nanawa na ang publiko sa mga tradisyunal na lider. Kung hindi mga bagitong on-the-job trainee, may mga karanasan nga pero saksakan naman ng tiwali.
Gusto ng tao ang bagong mukha. Gumagawa, may dedikasyon, may kakayanan at may “balls” na gawin ang kanyang mga sinasabi.
Linawin natin. Wala akong ini-endorso at hindi ako nangangampanya sa kolum na ito. Ito ay pag-aanalisa lamang sa mga laman ng balita at personaheng nasa likod ng balita.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest