Ano ang susunod na aksyon?
TAPOS na ang APEC summit meeting. Huwebes ng gabi ay nagsimula nang bumalik sa kani-kanilang bansa ang mga pinunong dumalo sa pagtitipon. Marami ang tinalakay, marami ang pinahayag, partikular ang katayuan laban sa terorismo. Kinondena ang patuloy na pagbibiktima sa mga inosenteng tao, kabilang na ang pag-atake sa Paris at ang pagbomba sa isang pampasaherong eroplano ng Russia. Hindi makakamit ang bukas at malayang ekonomiya sa mundo kung laganap ang terorismo. Kaya dapat labanan nang lubusan.
Pero ang kailangang mapuna ay ang pagpapalakas at pagsasaayos ng relasyon ng Pilipinas at ilang bansa tulad ng Japan, Vietnam, Taiwan, pati na ang Amerika, South Korea, Canada at Australia. Kahit una nang nagpahayag ang DFA na wala sa talaan ng pag-uusap ang mga problema sa Spratlys, hindi rin ito natupad. Una nang nagpahayag si US Pres. Barack Obama na kailangang manatiling malaya ang paglayag sa nasabing karagatan, at direktang sinabihan ang China na itigil na ang reklamasyon sa lugar. Nagpahayag rin na bibigyan muli ng dalawa pang barkong pandigma ang bansa, para mapalakas ang seguridad sa rehiyon. Sigurado hindi nagustuhan ng China iyon.
Bukod diyan, nagkaroon ng pagkakasunduan ang Vietnam at Pilipinas hinggil sa malayang paglayag sa karagatan. Hindi magkatunggali ang dalawang bansa pagdating sa Spratlys. May pag-aangkin din ang Vietnam sa ilang isla sa karagatan kung saan katunggali ang China. Pagpapalakas ng seguridad naman ang pinagkasunduan ng Japan at Pilipinas. Pag-uusapan naman ng Taiwan at Pilipinas ang mga problemang dulot ng pagsanib ng karagatan para sa mangingisda, para hindi maulit ang masamang insidente noong 2013. Sa madaling salita, halos lahat ay nagkasundo hinggil sa malayang paglayag, at pagsunod sa mga batas karagatan na nilagdaan ng halos lahat, kasama ang China. Tila walang lantarang sumoporta sa China sa kanilang isinagawang reklamasyon sa lugar. Pero mabuti naman at dumalo pa rin si Pres. Xi Jinping sa halip ng tensyon sa lugar. Nagpahayag na ang gusto ay mapayapa at masaya lahat.
Pero hindi pwedeng hindi punahin ang isang barkong Coast Guard ng China na nanatili malapit sa Pag-asa island ng siyam na araw. Nagpahayag naman ang Beijing na nagpigil pa nga daw ang China sa karagatan, kahit kaya nilang angkinin ang mga isla kahit may mga tao na. Seryoso ang pahayag na ito, dahil malinaw na walang saysay kung may tao man o wala para sa China, kung sakaling isiping angkinin na rin ang mga tinutukoy na isla. Ngayong tapos na ang APEC at pabalik na si Xi Jinping sa Beijing, ano kaya ang susunod na aksyon nila?
- Latest